IF AS IT WAS IS AS IT SHOULD BE
Pagsalunga sa agos ng karaniwang pag-iral—ang mamuhay nang tila hindi umiral ang nakalipas, nang walang isinasaalang-alang na kasaysayan, personal man o panlipunan—ang buong giting na sinusuong ng mga tula sa ikalawang aklat ni Mabi David, ang You Are Here. Maselang gawain/pananagutan ang magbalik-tanaw sa nakaraan, isang peligrosong aktong maihahalintulad sa pagtawid sa manipis na lubid, dahil sinusukat nito ang hanggahang handa tayong tawirin pati na ating katatagang harapin/mapangibabawan ang samutsaring lagim ng kasaysayan—ang mga sandali ng pagkaligta, ang mga pagkakataon ng pagkukulang, ang mga kaganapang nagpapamalas sa ating malupit na kahinaan bilang tao at indibidwal—ang mga bagay na hindi na maaaring balikan, wika nga ni Dickinson sa tulang pinagmulan ng epigrape ng koleksyon, na sa maraming pagkakataon ay mas mainam ngang hindi na balikan pa.
Sa mga tula ni Mabi, madarama ang naturang tensyon, ang pagbubuhol/pagkakalag ng mga pag-aalangan/pagtitiyak (“secure the rope at the right suspension/ for the illusion to work”) sa sinasabing imperatibo na magmasid/suriin di lamang isa/dalawang beses ang etikal na dilemma ng “pagtingin” sa kasaysayan—ang salimuot ng “pagkakasangkot ng kontemporaryong indibidwal sa minanang nakalipas”—ganitong bawat posibleng imaheng ibinabahagi sa atin ng Kasaysayan ay laging nanganganib maglaho, gumuho, o, tulad sa napakarami’t tipikal na kaso, maimortalisa sa anyo ng isang rebulto/bantayog/monumento. Malaking posibilidad din na ang inaakala nating Kasaysayan ay isa palang kasinungalingan. “Even the dead will not be safe,” wika nga ni Walter Benjamin. Para kay Mabi, malinaw na “The visible is a word for the limits to her sight” lalo’t kinikilala niya ang kanyang posisyon bilang “secondary witness” (“She takes a step back/ to where she can see only a part of the act”) (“She steps further back, unwilling to be/ caught into disbelief because of what can be seen”) sa mga naganap—saksi sa inilalahad ng saksi—na ngayo’y inaarkibo sa kung anumang repositoryo ng may-saysay/historikal.
“We wanted to get/ close, very close,” wika ni Jorie Graham. Ito ang ating problematikong lunggati sa kasalukuyan ganitong ang tanging malapit sa atin, ang kagyat na abot-tanaw, ay ang karanasang personal, ang historikal na kinasasangkutan ng sarili. Napakahirap mamersonal ng kasaysayan ng iba at napakadaling i-inhabit ng kamalayan ang kung saanman. Kung gayon, paano maaaring maging tiyak? Sa You Are Here, ito mismo ang iniiwasan ni Mabi—ang tumangging pasimplehin ang usapin ng here bilang isyu ng lokasyon, ng elementaryang pagsagot sa “nasaan ka?”, ng pagtitiyak sa pwesto ng indibidwal sa multidimensyonal na mapa ng pantaong heograpiya. Mawawari ang istrukturang tinutungo ng koleksyon ngunit kapansin-pansin din ang halos arbitraryong pagsasanib (dahil sa bilis ng pagpapalit-palit ng nagsasalitang tinig/persona/punto de bista) ng personal at historikal sa bawat tula at sa mismong kabuuan ng aklat. Hindi posisyon ang mahalaga kay Mabi kundi disposisyon o pakiwari ng sarili na matutunghayan sa kanyang pambihirang pagsisikap na gawing materyal ang mga kondisyong dinanas ng iba gamit ang pinakamalalapit na karanasan ng sarili bilang susing sangkap sa pagtula. Kung ito ang unang hakbang ni Mabi sa pagtalunton sa naturang mga usapin, nakapananabik matunghayan ang susunod niyang mga akda.


