Neophyte
Alas-siyete ng gabi, apat na van ang bumabagtas ng isang highway patungong Batangas. Lumiko ang mga sasakyan sa isang liblib na pook at huminto sa tapat ng isang malaki at abandonadong bahay.
Bumababa mula sa mga sasakyan ang mahigit tatlumpong kalakakihan kabilang ang isang binatang nagngangalang Jericho. Sa lumang bahay na iyon ay gaganapin ang isang initiation o hazing ng isang fraternity at si Jericho ang neophyte na sasailalim sa pagsubok.
First year college si Jericho sa isang sikat na unibersidad. Dalawang araw na ang nakalilipas nang nakatanggap siya ng imbitasyon na sumali sa pinakamalaking fraternity sa unibersidad, ang Upsilon Phi Beta Fraternity. Masasabi namang malakas ang loob ni Jericho kung kaya’t pinaunlakan niya ang imbitasyon. Kilala ang Upsilon Phi Beta sapagkat madalas itong masangkot sa mga rambol at gulo laban sa iba pang mga fraternity sa pamantasan.
Sa gabing iyon ay pagdadaanan ni Jericho ang pinakamahirap na pagsubok ng kanyang buhay, ang frat initiation kung saan isasailalim siya sa matinding pisikal at mental na pagpapahirap sa loob ng tatlong gabi. Kapag nalampasan niya ito ay ganap na siyang miyembro ng frat.
“Anong pangalan mo?” tanong ng isang boses kay Jericho nang makapasok na sila sa loob ng bahay.
“Jericho delos Reyes ang pangalan ko Master,” sagot ni jericho sa hindi nakikitang fratman. Nakatungo ang ulo ni Jericho at pinagbawalan siyang tingnan sa mukha ang mga fratmen sa paligid. Tanging mga sapatos lamang nila ang kanyang nakikita.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jericho, at sinundan pa ito ng sunod-sunod na mga suntok sa kanyang balikat. Nagulat agad ang neophyte at siya’y napaluhod.
“Gago ka! Bakit ka lumuhod?! Inutusan ka ba naming lumuhod, ha?!!!” sigaw ng isang boses sabay hila sa kanyang t-shirt na halos ikapunit nito.
Nagmamadaling tumayo si Jericho subalit isang tadyak ang tumama sa kanyang dibdib na kanyang ikinabuwal. Nakarinig siya ng mga halakhak sa paligid at mga panunudyo na siya ay lampa. Hindi pa siya nakakabawi ay sunod-sunod na sipa at suntok na ang tumama sa kanyang katawan.
Pagod na pagod na si Jericho at masakit na ang kanyang katawan ng tumigil ang mga suntok at sipang dumadapo sa kanya. Isang fratman ang nag-utos na tumayo siya. Agad naman niya itong sinunod subalit kinabahan siya sa nakita. Bitbit ng fratman na iyon ang isang kahoy na paddle.
“Tumalikod ka at huwag na huwag kang sisigaw kapag tinamaan ka ng paddle. Kapag may narinig akong kahit impit mula sa iyo, masasaktan ka sakin!” banta nito.
Ganoon nga ng ginawa ni Jericho at ilang saglit pa ay naramdaman niya ang paghagupit ng paddle sa likuran ng kanyang hita. Halos sumabog ang luha sa mata ni Jericho dahil sa sakit na naramdaman subalit kahit isang impit o daing ay pinigilan nyang mamutawi sa kanyang bibig. Sampung beses pang dumapo sa kanyang hita ang paddle at pakiramdam niya ay namamanhid ang kanyang buong katawan.
“Kaya mo pa ba neophyte?” tanong ng isang boses sa kanya.
“Kaya ko pa Master,” sagot ni Jericho habang hinahabol ang hininga dahil sa sakit na nararamdaman.
Isang basong tubig ang iniabot sa kanya upang kanyang inumin at pagkatapos ay sinimulan na naman siyang saktan.
“Alam mo ba kung bakit namin ginagawa itong hazing, neophyte?” tanong ng isa
“Master hindi ko po alam,” sagot ng nalilitong si Jericho.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jericho na halos ikabingi ng kanyang tenga. “Bobo! Bakit hindi mo alam? Sumasali ka dito, hindi mo pala alam kung anong pinapasok mo,” sigaw sa kanya ng isang fratman sabay unday ng suntok sa kanyang sikmura.
“Paano ka namin tatanggapin bilang brod Kung hindi mo pagdadaanan ang initiation? Kung hindi mo paghihirapan ang pagpasok dito? Becoming an Upsilon Phi Betan is not for free, you should earn it!” Sabad ng isa pang boses.
Kahit nahihirapan ay pilit tinandaan ni Jericho kung anuman ang natutunan niya ng gabing iyon. Pagpatak ng hatinggabi, huminto na ang hazing, naghanda na sa pag-alis ang mga fratmen pabalik ng Maynila.
“Nalampasan ko ang unang gabi ng hazing, dalawang gabi na lang,” usal ni Jericho sa sarili, na nakahinga ng maluwag nang matapos na ang panggugulpi sa kanya.
“Neophyte! You will stay here in this abandoned house for tonight! Hindi ka aalis dito hanggang hindi mo natatapos ang tatlong gabi ng hazing. Iiwanan ka namin ng tubig at pagkain at inaasahan naming nandito ka pa rin bukas ng gabi pagbalik namin, do you understand?!” sigaw ng isang fratmen kay Jericho. Wala na siyang ibang magawa kundi ang sumang-ayon.
******
Ala-una ng madaling araw, mag-isang nakahiga sa isang sirang sofa si Jericho sa loob ng abandonadong bahay. Kapag dumudungaw siya sa bintana ay wala siyang ibang matanaw kundi isang makipot na kalsada at matataas na talahib.
Mahina man at kumikirot ang katawan ay gising naman ang diwa ni Jericho. Sa totoo ay natatakot siyang maiwan sa bahay na iyon subalit nilakasan na lamang ang loob upang malampasan ang hazing. Nagmumuni-muni ang kanyang isip nang may mapansin siyang kakaiba. May mga mga sigaw at halakhak na nanggagaling sa loob ng bahay. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, agad na pumasok sa isip niya ang mga kuwentong katatakutan na naririnig noong siya ay bata pa.
Tinakpan ni Jericho ang kanyang tenga upang hindi marinig ang mga ingay subalit papalakas pang lalo ang mga ito. At sa gitna ng mga halakhak at sigaw, nakarinig siya ng mga paimpit na daing at pagmamakaawa. Natatakot man ay napabalikwas si Jericho at tumayo, kelangan niyang tulungan kung sino man ang nagmamakaawang iyon.
Sinundan niya ang ingay hanggang makarating siya sa isang basement na naiilawan ng kandila. Nagulat siya, may mga anino ng tao sa basement.
“Anong nangyayari? Bakit may mga tao dito, at anong ginagawa nila?” bulong ni Jericho sa sarili.
Sumilip sa loob si Jericho at kinabahan siya sa nakita. Mahigit tatlumpong kalalakihan ang nakapaligid sa isa pang lalake at tulong-tulong nila itong pinagbubuhatan ng kamay na tila ba isang hayop. Nagmamakaawa ang lalake at sumisigaw ng ‘ayaw ko na’ subalit lalo lamang itong sinasaktan.
“Hazing! Hazing ito! Kagaya ng ginawa sa akin kanina! Pero papaanong nangyari iyon, umalis na lahat ng miyembro ng fraternity?” nalilitong tanong ni Jericho sa sarili.
Pagkuwa’y huminto ang hazing at nasaksihan ni Jericho ang dahilan kung bakit. Sa sahig ay nakahandusay ang katawan ng lalakeng neophyte. Putok ang ulo nito at umaagos ang masaganang dugo. Maging ang mga fratmen na nagpahirap sa neophyte ay natakot at nagsimulang ,magsisihan sa isa’t-isa. Ilang sandali pa ay nagpasya silang itago ang katawan ng neophyte. Sa isang kalawanging dram ay inilagay nila ang duguang bangkay at ang dram ay tinakpan at iniwan nila sa madilim na sulok ng basement.
Pigil-hininga si Jericho sa nasaksihan. Subalit ang mga fratmen ay papalabas na ng basement at tiyak na makikita siya ng mga ito. Kumaripas ng takbo si Jericho subalit siya ay nabuwal. Hindi kaya ng kanyang katawan na noon ay namamaga na dahil sa hazing ang pagtakbo. Tamang-tamang patungo na ang mga fratmen kung saan siya nabuwal ng bigla siyang maalimpungatan..
“Panaginip lang ang lahat!” humihingal niyang nasambit. “Di ko namalayang nakatulog pala ako.”
Nakahinga na sana si Jericho ng maluwag subalit hindi rin iyon nagtagal. Nakarinig siya ng mga katok na nanggagaling sa ilalim ng bahay. Tila ba may mga kamay na bumabayo sa isang piraso ng lata sa kanyang pandinig. Ang basement ang agad na pumasok sa kanyang isip. At tulad ng inaasahan, natagpuan niya ang isang basement sa ilalim ng bahay. Katulad na katulad ito ng basement na kanyang napanaginipan.
“May basement nga at dito nanggagaling ang katok. Tama! Ang katok ay nanggagaling sa loob ng dram na nasa isang sulok ng basement!” Hindi makapaniwala si Jericho. Ang dram na iyon ay kanya ring napanaginipan, at may malalakas na katok na nanggagaling mula sa loob nito.
Hindi nag-aksaya ng panahon, binuksan ni Jericho ang dram sa pag-aakalang naroon din ang neophyte sa kanyang panaginip. Maaaring kumakatok ito at humihingi ng tulong upang makalabas. Subalit nagimbal si Jericho ng matanggal niya ang takip ng dram. Sa halip na ang duguang neophtye ang makita ay kalansay ng isang tao ang nandoon. May biyak ang bungo ng kalansay na tila ba mga palo sa ulo ang ikinamatay nito.
Ngayon ay naiintindihan na ni Jericho ang lahat. Ang kanyang napanaginipan ay totoong nangyari sa loob ng basement na iyon. At maaaring minulto siya ng pumanaw na neophtye sapagkat humihingi ito ng katarungan. Matagal nang itinatago ng Upsilon Phi Beta fraternity na nakapaslang ito ng isang neophyte habang ginaganap ang isang hazing. Ngayon ay isa ring neophyte sa katauhan ni Jericho ang nakatuklas ng lihim.
“Hindi ko na tatapusin ang hazing, aalis na ako sa lugar na ito habang may panahon pa. Hindi ko na gugustuhin pang sumali sa isang fraternity na pumapatay ng sarili nitong neophyte. Pangako, kung sino ka man, tutulong ako upang magkaroon ng katarungan ang iyong sinapit,” tanging nasabi ni Jericho sa kalansay ng nagmumultong neophyte bago siya tuluyang umalis ng bahay upang magsuplong sa mga awtoridad.
Wakas