Isang araw bago sumapit ang eleksyon para sa mga barangay nagkaroon ng isang parada mula Kalye Kangkong tungo sa mga lugar na sakop ng aming barangay. Napakahaba ng pila ng mga taong sumali sa aktibidad; isang tunay na pagpapakita ng suporta sa inaakalang papalit sa nakaupo sa maliit na trono ng barangay at isa ring matapang at lantad na pagpaparamdam na hindi na nila nais ang pamamalakad ng kasalukuyang namumuno. Masaya ang parada. Tila walang kapaguran ang mga tao, mula bata hanggang matanda, babae at lalaki at tila ba punung-puno sila ng pag-asa sa tiyak na pagbabagong darating sa aming barangay. At ang nakatutuwa pa higit na nakararami ang mga lehitimong sumama at nagbigay ng suporta.
Punung-puno nga ng pag-asa ang mga taga-Kangkong at mga karatig nitong lugar nang araw na iyon. Sumama nga kami sa parada ngunit hindi kami naglakad; napabilang kami sa motorcade. Sa aking pagkakatanda, wala pa akong nakitang ganoong pagsuporta na nangyari para sa mga kandidato sa aming barangay. Walang katulad ang kasiyahang nadarama ng hapong iyon dala-dala ang pag-asa ng bagong bukas sa kamay ng bagong halal na kandidatong pinili ng mga tao sa aming barangay.
Paggising ko sa umaga ng araw ng eleksyon, Oktubre 29, 2007 ang petsa, ay masigla akong nagwalis muna bago naghanda ng almusal. Tumanaw ako sa paligid at mangilan-ngilan pa lamang ang mga taong nagpaparoo’t parito. May ilang bumoto na nang maaga dahil nga ayaw masabay sa maraming tao. Ewan ko ba pero iba ang ihip ng hangin na nadama ko. Kabaligtaran ng ligaya at tuwa nang nakaraang araw sa parada, nakaramdam ako ng pangamba, pagkatakot at pag-aalala. Pilit kong iwinaksi ang isipang iyon. Sa pag-aalala marahil ay hindi ko na nagawang manalangin.
Nagbubunyi na nang hapong iyon ang mga tao dahil ang manok nila ay lumalamang na laban sa kasalukuyang kapitan. Bigla, sinabi ng aking panganay na huwag munang magsaya dahil hindi pa tapos ang bilangan at kakaiba ang kapasidad ng kalaban. Oo nga pala, naisip ko, may kakayahan nga palang manakit, manakot, mandaya at gumawa ng kung anu-ano pang milagro ang mga taong iyon.
Hindi nanalo ang aming kandidato. Nalungkot ang marami. Umiyak ang ilan. Isang tunay na pagkabigo dahil nanalo ang kalaban kasama ang mga balitang bumoto ang mga patay at mga wala na sa lugar, kasama ang balitang bumoto pati na ang maysakit o di nakalalakad, kasama ang balitang marami ang binili ang boto sa halagang mula P200 pataas, at kasama ang balitang may mga rehistradong flying voters na nakaboto sa aming lugar.
Nakalulungkot. Isa na namang pamamahalang walang kwenta. At tiyak naman katulad ng dati, babalikan nila ang mga taong di sumuporta sa kanila sa mga paraang alam nila – marumi at di patas. Aasahan pa ba ng mga nasasakupan nila ang pagbabago? Gusto kong umasa ngunit tila hindi mangyayari. Sigid na sa laman ang dumi ng pulitikang bumabalot sa kanila.
Kahit ilang beses pa nilang ipamalita na nandaya ang manok namin, alam nila ang totoo na higit na nakararami ang naniniwalang hindi ito totoo. Alam nila at nakita nila ang suporta ng higit na nakararami. Alam nila na iilan na lamang ang mga loyalista nila na may katumbas namang mga pera.
Magsaya man sila, ito ay paimbabaw lamang. Sumayaw man sila sa kalye at mangantiyaw (na wala namang pumapansin) higit nilang alam ang tunay na mga nangyari.
Malungkot man ang mga taga-Kangkong at ang mga karatig-lugar, ang ngiti naman nila’y may kasamang pait at pakla dahil hindi matamis ang tagumpay na hindi tunay na pinaghirapan.
Filed under: Mahahalagang bagay | Tagged: apolonio samson, barangay, eleksyon | Leave a comment »




