Matagal pa ang birthday ko…
Pero bakit saan man ako tumingin, saan man ako pumunta, anuman ang gawin ko, lahat ay nagpapaalala nang papalapit na pagdating ng isang pamilyar na araw na ‘yon? Paranoid nga ba ako? Siguro, pero sa ibang dahilan.
Sabi ng isang kandidato, sa araw raw na ‘yon, magpapatuloy ang pagbabago. Sabi naman ng iba, magsisimula pa lamang ito. Hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi nila. Bakit kailangang may target date? Ano nga ba ang pagbabago? Isa lamang ba itong project na may nakaset kung kailan dapat simulan at tapusin? Na kapag sinabing, ‘tigil muna tayo, next meeting nalang natin ituloy,’ ay susunod ang lahat at nakangiting iiwan ito?
Isang hapon, lumapit sa’kin ang isang batang lalaki. Limang taon pa lang sya pero matapang nang nakikipaglaban sa sakit nyang Leukemia. Hindi ko alam kung saan sya kumukuha ng lakas, kung paanong sa kabila ng lahat ng paghihirap, nakukuha pa nyang ngumiti. Hindi alam ng Nanay nya kung hanggang kailan o hanggang saan sila dadalhin ng pananampalataya at pag-asa nila.
Ate, ano pong birthday wish mo?
Matagal pa ang birthday ko ah..
Malapit na ‘yon. Sige na Ate, sabihin mo na po…
Pen.. Oo, pen.
Bakit po pen?
Para marami pang maisulat na kwento si Ate para sa inyo. Para mas marami pa syang mapangiting batang tulad mo.
Ate, gusto ko happy ka palagi.
Parang napanood ko ‘yan sa tv ah? Basta happy ka, kayo, happy na rin si Ate..
Pen. Sabi ng isang kaibigan, masyado raw matindi ang attachment ko sa mga pen, na minsan ay hindi na nila maintindihan ‘to.
Umiikot ang mundo. Nagbabago ang takbo ng mga pangyayari. May nawawala, may nakikita. Madalas, nakakasakit ang kaguluhan nito. Nakakainis makipagsabayan sa kanya. Away dito, gyera doon. Sa ganitong sitwasyon, pa’no mo kukumbinsihin ang sarili mong may pag-asa pa? Pa’no mo papaniwalain ang sarili mong totoo ang pagmamahal? Pa’no mo sasabihin sa sarili mong maswerte ka pa rin?
Isang grupo ng comfort women ang nagsalaysay sa’kin ng karanasan nila sa kamay ng mga kolonyalistang Hapones. Mass rape. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa kaso nila.
Napakaraming bata ang hindi man lang nakahawak ng papel o lapis; kailangang magtrabaho agad. Napakaraming namamatay. Napakaraming nagsasakripisyo.
Sinubukan kong pasukin ang mundo nila, pinilit hanapan ng lugar ang mga positibo kong pananaw. Pero nagulat ako sa nakita ko, sa natutunan ko: sila ang nagturo sa’kin nang tamang paggamit ng panulat.
Bawat pag-aaksaya ng tinta, katumbas ay pag-asa. Eskapo. Sa pagsusulat, nagagawang maganda ang isang panget nang kwento. Sa pagsusulat, ang emosyon ay nagiging tao. Nabubuhay.
Minsan, may nagtanong sa’kin, bakit hindi ka nalang bumili ng pen? Bakit kailangan mong maghintay nang magbibigay nito sa’yo? Pa’no kung dumating ang araw na wala ka nang matatanggap?
May pen para sa bawat tema. May pen para sa bawat emosyon. Madalas, nauubusan ako ng stock ng pag-asa. Sabi nila, sapat na raw ang pagmamahal para makapagsulat. Hindi rin. Minsan, nakakapanghina ang pagmamahal, at kakailanganin mo ang pag-asa para makapagpatuloy. Kinukuha ko ang pag-asang ‘yon sa bawat pen.
Kaya ko namang bumili. Pero ‘pag ginagawa ko ‘yon, parang niloloko ko nalang ang sarili ko. Parang namumuhay nalang ako sa isang pekeng mundong likha ng mga sinusulat ko. Parang ako nalang ang naniniwala sa kapangyarihan ng magandang katapusan. Kaya sa tuwing may nagbibigay, o nagpapahiram sa’kin ng pen, bumabalik ang lahat nang nawalang pakiramdam. Minsan pa, nagnanakaw ako ng pen sa mga kapatid ko. ‘Yun ay kapag pakiramdam ko ay napakaraming kaluluwa na ang nawawala at napakaraming puso na ang naghahanap, na kailangan ko nang nakawin ang pag-asa. Para hindi maligaw, kumakapit ako sa pen ng mga nagmamahal sa’kin.
Kung sakaling dumating ang araw na tumigil sila sa pagbibigay, o maubos na ang pen ng mga kapatid ko, ang totoo, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Natatakot akong isipin ‘yon. Nakakapangilabot. Sana, sa araw na ‘yon, nakapag-ipon ako ng maraming kahon ng pag-asa, pagmamahal at pananampalataya. Para kahit papa’no, makuha ko pa ring makapagpangiti ng ibang tao. Para kahit papa’no, may maibigay pa rin ako sa kanila.
Sa May 10, sa aking birthday, isang pen na naman ang gagamitin ko. Naubusan na ako ng tiwala sa gobyerno natin pero binibigyan pa rin ako ng pag-asa ng pen na gagamitin ko sa araw na ‘yon.
Ang pagbabago, hindi ito ipinapangako. Hindi ito pinipilit. Dahil naniniwala ako na lahat tayo ay may kakayahang gawin ito, may posisyon man tayo o wala. Dahil ang pagbabago, nasa kamay ng masang Pilipino. Marami sa’tin ang naghihintay ng pagbabago pero hindi naman handang kumilos para dito.
Binalikan ko ang batang nagtanong sa’kin ng birthday wish ko. Hindi ko mapigilang makita ang sarili ko sa kanya: nagdarasal sa kabila ng kawalang pag-asa, nagpapatuloy kahit sinasabi na ng mundo na irasyonal na ang gawin ito. Hindi kami naghahangad nang marangyang buhay; isa lang naman ang gusto namin: NA SANA, ISANG ARAW, MAGAMOT NA ANG KANSER NA LUMALAMON SA ATIN.
..
Isa pang sana. Sana sa May 10, hindi lang edad ko ang magbago. Sana ay mas marami ang mahigpit na kumapit sa kapangyarihan ng kanilang panulat. Sana ay mas maraming maging handang kumilos para sa pagbabagong hinahangad nating lahat – pagbabagong hindi makasarili kungdi para sa kabutihan nang mas nakararami.

