batid niyo nawa, aking galak sa mga buwang tayo’y nakumpleto muli
bawat araw ay sinusulit, sinasaliksik
upang kayo’y makilala muli
dahil totoong kinain yata tayo ng oras
baon sa aral, trabaho, kakaisip at kapaplano sa kung anong dala ng bukas
nakubli tayo sa sari’t sari nating mga mundo
kaya minsa’y kay lamig, walang galak, walang interes,
sa mga usap, kwento, at pagbabahagi sa kung anong
naganap sa araw ng isa’t-isa.
maiikling tugon, madalas, paminsan pa nga’y wala
dahil malayo ang isip, laging nasa ibang lugar ang nais puntahan.
ngunit ngayo’y himala’t hawak natin ang oras,
isa itong trahedya, isang linyang tila walang mapupuntahan
kaya sa gitna ng pagtahak sa linya ay pinili nating kilalanin muna muli ang isa’t-isa
dahil ‘yun lang muna ang ating magagawa –
buhayin ang mga pag-uusap, alamin ang lahat,
habulin ang lahat ng ninakaw ng panahon.
makatitiyak kayong lahat ay aking sinusulit –
ang inyong haplos, tinig, hubog ng mukha paggising hanggang pag-idlip
kung dati’y panay ang iwas dahil may mas importante yatang lugar upang pagnilayan ng isip
ngayon ay naririto ako, kasama niyo, humaharap at niyayakap ang lahat, sinasamantala ang lahat ng panahong tayo’y magkasama
batid niyo nawa na walang nang mas sasaya pa sa mga pagkakataon
sa mga buwan na ito na tayo’y buo at nag-uusap, tinuturuan ang isa’t isa.
batid niyo nawa na nabuo muli ang puso sa inyong piling, sana’y nabuhay rin ang sa inyo sa munting panahon na ating sinusulit.
tanong pa rin kung bakit, kung saan-saan pa napapadpad, kung ang tanging kapayapaang hanap naman ay andito.