“Wag ka mag-alala, hindi yun masakit.. Saglit lang yun. Safe ka dun kay Doktora.” wika ni Seline.
Balisang balisa si Rosing habang patungo sila ni Jeline sa tahanan ni Dra. Mia. Si Seline ay ang ahenteng nakilala ni Rosing sa Quiapo.
“Natatakot po kasi ako.. Hindi ko po yata kaya.”, mahinang sambit ni Rosing.
“Eh bakit naman kasi pinatagal mo ng ganyan.. Sana tinuloy mo na lang. Buti na nga lang hindi halata masyado. Para ka lang busog. HAHAHA! Nasan ba jowa mo? Iniwan ka?” tanong ni Seline.
“Hindi po kasi pwede. Hindi po ako iniwan. Hindi pa lang po kami handa. Natatakot ako sa pamilya ko, sobra. Sobrang orkot ako.”
Bigla silang nanahimik at pumasok sa isip ni Rosing ang mga bagay na lubos na bumabagabag sa kanya…
——-
“Alam mo tumaba ka lalo. Tapos ang laki ng balakang mo! Naku Rosing! Sinasabi ko sayo! Baka buntis ka ha? Naku, buntis ka itatakwil kita! Hindi ako nagbibiro!”
“Pano tayo nito? Kapag nalaman yan samin, papalayasin ako.. Pano ko kayo bubuhayin?”
“Rosing! Ang laki ng ilong mo! Ang chaka! Haha! Ang laki pa ng tyan mo! Echusera ka teh! Baka naman preglaloo ka na huh! Masisira ang future, hala ka!”
“Bakit ang lakas mong kumain! Lolobo ka nyan lalo, tignan mo nga yang tyan mo parang puputok na!”
———
Habang iniisip nya ang mga sinabi sa kanya ng mga taong nakapaloob sa buhay nya, lalo syang natatakot harapin ang resulta ng bunga ng kanilang kapusukan, lalo syang natatakot na panindigan ang bunga ng kanilang pagmamahalan.
“Sorry baby. Patawarin mo ako… Mahal kita, pero natatakot ako.” bulong ni Rosing sa sarili habang nakahawak sa kanyang sinapupunan na may pitong na buwan ng sanggol..
Tumingin sya kay Seline na kasalukuyang nagsusuka sa isang supot dahil sa lamig ng aircon bus na sinasakyan nila.
“Kadiri naman itey! Ang kyoho ng suka! Ngayon lang yata to nakasakay ng aircon bus ah.. kaloka” napangising sambit ni Rosing sa kanyang utak.
“Hindi ako sanay sa lamig, pasensya ka na.. Malapit na tayo, salamat naman..” tila narinig ni Seline ang kanyang sinabi, kahit hindi naman talaga.
“Oh Bocaue Bocaue Bocaue!” sigaw ng konduktor ng bus.
*ting ting ting*
“Manong teka, baba na kami”, sagot ni Seline.
Dali daling sumunod si Rosing sa pagbaba ni Seline.
Ang sabi sa kanya no Seline, pagbaba nila ng bus, maglalakad pa raw sila ng kaunti patungo sa bahay ni Dra. Mia.
“Teka lang. Bili lang ako yosi ha. Bawal magyosi kila Doktora eh. Upo ka muna dun oh.”, wika ni Seline.
Tumango lang si Rosing. At umupo sa may bench sa tapat ng tindahan na pinagbilhan ni Seline.
Habang naglilibot libot ang kanyang mga mata sa paligid, may nakita syang pulubing ina sa may tapat ng simbahan.. Bukod sa sanggol na kanyang bitbit ay may nakakapit pa sa kanyang isang batang babae, mga tatlong taong gulang siguro ito.
Lubos syang naantig sa tagpong iyon. Ang utak nyang dating desididong ituloy ang binabalak nya ay biglang unti unting tinatalo ng tibok at bulong ng kanyang puso..
“Tara na! Ayun na bahay ni Doktora oh”, yaya ni Seline.
—
Pagdating nila sa bahay ni Doktora, humarap sa kanila si Doktora at ang assistant nito na si Bing.
Sa pagligid nya ng kanyang paningin ay napansin nya ang mga batang naglalaro. May mga batang dalawang taong gulang hanggang lima, mayroong tatlong dalaga at dalawang binata. Iyon ay ang mga ampon ni Doktora Mia. Ang mga ampong iyon ay ang mga sanggol na pinalad na mabuhay pagkatapos silang ipaalis ng kanilang mga ina sa kanilang sinapupunan, sa kanilang buhay.
“Oh. Ang laki na nyan ah. Bakit hindi mo na lang ituloy. Naku kang bata ka!”, pagulat na sabi ni Doktora.
“Ewan ko nga dito eh. Sabi ko sa kanya dapat ituloy na lang nya. Kaso ayan, duwag.”, sabat ni Seline.
“Kung pwede lang po. Kung pwede lang po talaga.”, mangiyak ngiyak na sagot ni Rosing.
“Oh siya! Gusto mo yan eh! Kaya lang naman kami nagkakaron ng ganitong trabaho ay dahil sa inyong mga lapit ng lapit. Tumutulong lang naman kami. Sige pumasok ka na muna dun sa kwarto at magpahinga!” utos ni Doktora Mia.
“Sya nga pala, stay in ka dito kay Doktora, mga tatlong araw ha. Syempre, normal delivery yan. Hindi yan kaya ng dukot dukot lang. Mararanasan mo na kung pano manganak! Pero di ka naman namin pababayaan, wag ka magaalala.”, pahabol ni Bing.
“Pero kung mabuhay ang bata, wag ka magalala, kukunin ko sya..”, pahabol ni Dra. Mia.
—-
Pumasok sa kwarto si Rosing.
Nahiga sya sa kama. Dagliang pumasok si Doktora upang kausapin sya,
“Sigurado ka na ba?”
“Opo. Naiisip ko po kasi yung mommy ko, magagalit po yun.. Lagi pa naman sa’kin isinusumbat nun lahat ng paghihirap na ginawa nila ng daddy ko para sa’kin.. Tapos ako, ito, nagpabuntis lang..”, pangangatwiran ni Rosing.
“Alam mo, kahit ano pang pangangatwiran ang sabihin mo, mali ka pa rin. Alam mong mali ito. Wala ako sa lugar para husgahan ka, pero sana pagisipan mo pa. Hindi porke’t ganito ang trabaho ko ay masamang tao na rin ako. Oo, mali nga itong ginagawa ko, pero ina rin ako.. Hindi nga lang sila galing sa akin, pero mahal ko sila, mahal na mahal ko ang mga anak ko. At gagawin ko ang lahat para hindi mabigyan ko sila ng mabuting buhay na hindi kayang gawin ng mga duwag nilang ina. Oh sya, mamayang madaling araw na natin simulan, magpahinga ka muna..”
Pagsara ng pinto ay patuloy na nagisip isip si Rosing.. Nagtatalo ang kanyang isip at puso. Hindi nya alam kung alin ang pakikinggan. Tumutulo ang luha sa kanyang mga mata, kaliwa, kanan, kaliwa, kanan.
Nakatulog sya ng di inaasahan. Marahil, dahil sa pagod, pagiisip at labis na pagiyak.
——
Sa isang tahimik na kwarto, may isang boses na naririnig si Rosing. Malawak ang paligid, kulay puti. Maputing maputi.
Mama? Ikaw po ba yan? Narinig ko po may kausap ka, sabi anak mo daw ako? Siguro ikaw na nga po ang mama ko. 7 months na daw ako? Eh diba sabi po 9 months daw dapat ang baby bago ilabas? Alin po ba ang mauuna? 7 o 9? Hindi pa po kasi ako marunong magbilang.
Sumagot si Rosing kahit nagtataka ito at tila hindi makahinga, “7 ang mauuna anak.”
Ah. Eh bakit sabi po lalabas na raw ako mamaya? Ang saya naman, mama, excited ka na yata makita ako kaya masyadong maaga! Ok lang po sa akin, at least makakasama na kita agad. Oo nga po pala, mama, naalala ko yung tinitingnan mo kanina na baby, sa may simbahan po yata tawag dun? Tinignan ko rin kasi tinitignan mo eh. Syempre dapat mana ako sayo.
Napaupo si Rosing sa kinatatayuan nya. Lubos syang nanglalambot sa lahat ng mga salitang kanyang naririnig.
Mama, sana paglabas ko makapasok ako doon sa simbahan, narinig ko kasi kanina sa may tindahan, maganda daw doon. Nandun daw po si Jesus? Tsaka, sana makalaro ko yung bata kanina, karga sya nung nanay nya no? Pero narinig ko din, pulubi daw ang tawag sa kanila? Mahirap daw sila mama? Tayo mama? mahirap lang din ba tayo? Ok lang sakin basta kasama ko po kayo ni papa ko. Si papa po, nasaan po sya? Nasasabik na po akong makita kayo. Gusto ko na pong maramdaman ang yakap niyo! Mama, matagal pa po ba bago dumating ang mamaya?
Mama? Mama! Mama?! Mamaaaa!?
Unti unting humina ang boses na iyon hanggang sa tuluyan na itong nawala.
—-
Nagising si Rosing. Humahangos. Pawis na pawis.
Biglang may naramdaman syang gumagalaw sa kanyang tyan, tila isang maliit na umbok ang bumakat sa kanyang balat. Sumisipa ito.
Napaangat ang kanyang ulo at nakita nya sa pader ang nakadikit na larawan ni Inang Maria. Napatitig sya dito at noo’y nanalangin..
Sa kanyang pagdarasal ay naramdaman nyang muli ang likot ng kanyang sanggol sa sinapupunan.

“Anak, medyo matatagalan pa bago tayo magkita. Dalawang buwan pa. Wag kang mainip dyan ha? Mahal na mahal kita. Konti na lang, anak”.
———————————————-
HAPPY MOTHER’S DAY!!! :)
**Ang anumang maaaring pagkatulad nito sa totoong buhay ay aksidente at nagkataon lamang. Ang mga pangalan, lugar at kaganapan ay bunga lamang ng malikot na imahinasyon ng may-akda.