Malapit na akong ikasal sa taong mahal ko ng lubos. Hindi ko nga alam kung paano pa ang mabuhay kapag iniwan na niya ako. Madalas naiisip ko na sana huwag muna kami lumagay sa tahimik kasi naman parang hindi pa ako handa na matawag na maybahay. Marami akong agam agam na hindi ko maipaliwanag.
1. Handa na ba ako sa responsibilidad? Hindi biro ang landas na tatahakin namin. Ako man sa sarili ko ay natatakot sa maaaring magbago sa buhay ko. Kayanin ko kayang maging asawa at ina? Ano daw… kailangan ko pa ang mag asikaso ng bahay at asawa? Sanay lang akong umasa sa nanay ko na siyang nag aasikaso sa akin… kapag ako na ang nasa lagay niya… paano na?
2. Ako na ba talaga ang nais niyang makasama sa habambuhay? Nakakatakot isipin na may mga pamilyang nasisira ng hindi pagkakaunawaan at sa kalaunan ay ang paghihiwalay ng mga magulang. Sa bawat lingon at ngiti ng kasintahan ko, nangangamba ako na ito ay nakalaan para sa iba at hindi para sa akin.
3. Ano ang mas mahalaga: asawa o anak? Kung ako ang masusunod, ayokong mag asawa pero gusto ng sarili kong anak na galing sa taong mahal ko. Kaya lang papaano naman ang baby ko kung lalaking walang ama diba?
4. Hiling sa bawat daing. Alam ko at nararamdaman ko na hindi biro ang papasukin kong buhay. Natatakot man ay pikit mata kong haharapin ang bawat hamon. Siguro naman sapat na ang pag ibig para buhayin ang pag asa ko sa isang masayang buhay may asawa.
Marami akong agam agam. Papaano kung mag iba ang pagkakakilanlan ko sa kanya matapos ang aming kasal kung saan ako ay nakatali na sa kanya. Kapag nagloko siya at mawala sa tamang landas papaano ko haharapin ang mga pangyayari na babago sa buhay namin?
Minsan naiisip ko na sana hindi ganoon kabilis ang takbo ng panahon…. baka sakaling maihanda pa ako sa tatahakin kong landas!