Babala: ang mga susunod na mababasa ay pawang personal na opinyon lamang. Kung may reaksyon ka, libre komento. Salamat.
Iaahon ko ang Pilipinas sa kahirapan!
Ako po ay laki sa hirap kaya alam ko po ang bawat pangangailangan ng bayan!
Susugpuin ko po ang talamak na kurapsyon sa ating gobyerno!
Magpapatayo po ako ng (paaralan, hospital, tulay at kung anu ano pa) para makatulong na lalo pang mapaginhawa ang buhay ng taong bayan!
Ako po ang magbibigay solusyon sa forever na trapik sa EDSA!
Aayusin ko po ang LRT/MRT/PNR!
Susugpuin ko po ang kriminalidad at droga sa ating bansa!
Ako po ay may sapat na karanasan upang manungkulan sa ating gobyerno!
Pagagandahin ko po ang lubog nating ekonomiya!
Mga kapwa ko Pilipino, lalong lalo na po sa mga kapwa kong botante, ang mga linyang ito ay hindi na bago sa atin.
Siguro ay mula ng tayo ay matutong magsalita noong tayo ay mga bata pa, malamang ay malimit nating naririnig ang mga linyang ito mula sa mga kandidato tuwing panahon na kampanya.
Mula sa mga kandidato para sa pagka-barangay kagawad hanggang sa mga kandidato para sa pagka-Pangulo ay ginagamit ang mga linyang ito.
Noong national elections taong 2010, isa ako sa mga nagpaagos sa anod ng “dilaw” na sapa. Akala ko’y bukal yun pala’y imburnal. Tila ba nangyari uli ang mga nangyari noong mga panahong mapatay si dating Senador Ninoy Aquino. Nag silabasan ang mga tao para ipanawagan ang pagbaba sa pwesto ng noo’y pangulong si Ferdinand Marcos at ihalal ng taumbayan si dating Presidente Corazon Aquino.
Ang nangyari? Namatay noon si dating pangulo Corazon Aquino dahil sa karamdaman, at may mangilan ngilang nanawagan para tumakbo si ngayo’y pangulo Noynoy Aquino. At tulad ng dati, nangyari nga na nakigatong ang karamihan at siya’y tumakbo bilang kandidato sa pagka pangulo.
Marami sa atin ang naniwala sa daang matuwid na kanyang isinusulong. Inaamin ko, isa ako sa milyong tao na bumoto para sa kanya.
Siguro ay nadala ako sa kanyang confidence sa kanyang mga speech. Sino ba naman ang ayaw ng daang matuwid hindi ba?
Nang mga panahong iyon ay nagbigay daan si Mar Roxas para kay PNoy at siya naman ay tumakbo bilang bise Presidente.
Noong mga panahong iyon, ay talaga namang malakas ang hatak ni bise Presidente Jejomar Binay. Hindi rin naman kasi maiaalis sa atin ang mapangakit na kalagayan ng Makati. Kaliwa’t kanan ang mga nagtataasang gusali, malinis na mga kalsada at kung anu ano pa. Nakalimutan natin na ang lahat ng bagay o lugar ay may dalawang sitwasyon. Isang maganda at isang hindi kagandahan.
Sa anim na taong panunungkulan nila ay napakaraming nangyari, marahil hindi lahat ay nasa aking alaala. Ngunit sisikapin kong isulat kung anu man ang pinaka tumatak sa aking isipan.
Saglit na panahon pa lamang matapos ang “matagumpay” na eleksyon ay nangyari ang tinagurian Manila Hostage Crisis. Sa kasawiang palad ay may mga inosenteng biktima na namatay sa krisis na ito. Nakita natin dito ang kakulangan sa kagamitan at kaalaman ng ating mga kapulisan. Hindi po nila kasalanan ang nangyari, naniniwala akong ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para mailigtas ang lahat ng mga biktima.
Sa tingin ko, ito ang naging bunga ng malalim na galit ng bansang China sa ating bansa. Maaaring ito rin ang nag udyok sa kanila para “sakupin” ang mga isla na malapit sa ating bansa.
Tumatak din ang pag papatalsik kay Chief Justice Corona. Naging mabilisan ang pagpapatalsik sa kanya.
Sumabog ang isyu tungkol sa pork barrel scam at nalagay sa malaking eskandalo ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Napoles. Kawawang Napoles dahil hindi lang sya ang dapat na nakakulong. Kung tutuusin ginamit lang siya ng mga buwayang pulitiko para ipahawak ang pera at maliit na porsyento lamang ang napupunta sa kanya. Sino sino ang mga dapat sumama kay Napoles? Sila sila lang din ang nakakaalam.
Ang pag tama ng bagyong Yolanda sa ating bansa, maging ito ay nabahiran ng eskandalo. Sa sandamakmak na perang umulan sa Pilipinas mula sa tulong ng iba’t ibang bansa, bakit mahina pa sa ambon ang nakarating sa mga biktima ng bagyo. Bakit pa kinailangan maglooting ng ibang tao noon eh bundok bundok na relief goods ang mga nabubulok na lang sa mga bodega.
Ang madalas na pag kasira ng mga tren ng MRT. Hindi ko alam kung ano ang problema. Sa isang araw daang libo ang gumagamit ng mga tren na ito. Ibig sabihin, milyon ang kinikita ng MRT sa isang araw lang. Kung may pera, ano ang problema bakit hindi maayos, bumili ng bago o kahit na ano pa ang kailangang gawin para naman medyo guminhawa ang buhay ng mga gumagamit nito? Asan ang milyon milyong kinikita nito kada araw? Nanganib pa nga noon na mawala ang subsidiya para dito. Para sa akin, walang problema na magbayad ng mas mataas basta maayos, walang aberya, mabilis at komprtable, yun bang panatag ka na hindi sasadsad sa EDSA yung tren na sinasakyan mo.
Isa sa mga pinakamalalaking balita ay ang “misencounter” ng Philippine National Police Special Action Force o PNP-SAF laban sa mga MILF at grupo ng teroristang si Marwan. Unang una, bakit PNP hindi ba dapat mga militar? Pangalawa, bakit walang koordinasyon ang PNP sa militar? Pangatlo, bakit walang umaamin kung sino ang nag bigay ng go signal sa mga ito? Ang punto kasi dito, pag pumalpak, lahat inosente at walang alam, pag mission accomplished naman sila sila lang ang makikinabang sa papuri at sa malaking reward ng Amerika. Tama naman diba?
Ang walang habas na paghahalungkat at pagnanakaw ng mga taga customs sa padalang bagahe ng mga ofw. Paglalagay ng napakataas na buwis para sa mga ito at ang tanim bala sa NAIA. Kung minsan ay naniniwala na akong ang ating paliparan ay dapat lang mapasama sa listahanh worst airports in the world. Kapwa Pilipino ang tinatalo ng mga ito. Ang matindi pa doon hindi naman daw ito seryosong problema sabi ng gobyerno. Ang galing di po ba? Itong mga taong nahuli ay magtatrabaho sa ibang bansa para sa kanilang mga pamilya. Sino ba namang bobo ang magdadala ng bala sa airport. At sinong bobo ang magdadala ng bala pero walang baril! Eh talagang malinaw na modus ito. At ang malala ok lang ito sa mga otoridad. Syempre pera din yan eh. At sa paghahalungkat ng customs sa mga bagahe, hindi nyo po alam kung gaano katagal naming pinupuno ang kahon na iyan. Matinding sakripisyo po. Napakaswerte nyo po kayo maghahalungkat lang at pag may nagustuhan kukunin na lang samantalang kami, pag may gusto doble kayod dala-dalawa pa ang trabaho. Ang galing hindi po ba?
Ilan lang yan sa mga kapalpakan nitong nakaraan na anim na taon. Mga kapwa ko Pilipino, hahayaan pa ba nating mag extend pa to? Aba e pili pili din ng tamang kandidato ano po.
Wag na po tayong sumabay uli sa agos ng marami. Ngayon ang napakagandang pagkakataon para pag isipan natin itong maiigi.
Isipin na lang nating kapag pinalagpas pa natin ang pagkakataong ito, maaaring wala na talagang patunguhan ang ating bansa kundi ang pagbagsak.
At sa mga taong ipinagbibili ang kanilang boto, kung sakali pong pumalpak ang inyong pulitiko wala na po kayong karapatang magreklamo dahil nabili na po kayo ng pulitikong ito. Wala kayong magagawa kundi maging tuta dahil ang sumbat sa inyo, “bakit ka umaangal e nabayaran naman na kita noong eleksyon”.
Piliin ang tunay na may kakayahan.
Piliin ang tunay na may malasakit para sa ating lahat.