Siyam na Bitáw, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Siyam na Bitáw

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

1
Tumatakbo ang mga anino
sundan
tumatakbo ang mga anino
hinahabol ng mga bata ni San Pedro

Dito sa tupada
ang tumalpak ay sumasangga
sumasangga
sa mabilis at malaking kita
na kay hirap matamo
na kay hirap makita
kahit pumasok nang sampung
oras sa sampung pabrika

Sapagkat naghahanap ako
at naghahanap ka
naghahanap ng kitang
katumbas ng yutang piso
at sabihing sisinghap-singhap pa

Sapagkat naghahanap ako
ngunit walang naghahanap
sa aking trabaho
sapagkat naghahanap ka
ng isusugal
at ako ang iyong trabaho

Tumatakbo ang mga anino
kasapakat si San Antonio
kasapakat ang nagtatakbo ng bato

2
Tumilaok nang tumilaok
ang banakon
nang salubungin
ang liwayway
habang naghuhunos
ng katauhan

Sumagot ang tandang
sa matikas na tilaok
na tila nanghahamon
sa liwayway
kung nasaan ang karibal

Tumilaok ang banakon
tumilaok ang tandang
at sa pandinig ko
ay sumasapit
sumasapit
ang taglugon
at mga bulaklak ng patay

3
Dehado ang tandang
kapag tumilaok ang kristo

o ito ay guniguni lámang

at ang banakon na katabi ko
ay gumagapang ang titig
sa dumalagang kahera
habang pabulong-bulong

isang kahig isang milyon

4
Tumilaok ang tandang
sa selfon
patay malisyang tumuka
sa lupa
gumiri na parang pari
at lumipad ang mga balahibo

Nawala ang kinang
ng tari
sa tilamsik ng dugo
isang banakon
ang tumakip sa mga barya
at nakatutulig
ang pusta sa mga birá

at bibirahin pa

5
May tandang sa ilalim
ng laot
may tandang ilalim
ng laot
ibig bumitaw nang matalim
ngunit ang banakon
ay naghahanap naghahanap
ng piging
hindi malirip kung libdin

6
May sabong sa kongreso
may sabong sa senado
ang banakon ko
ay pinupupog ng tandang mo

at ipupusta ko
hindi ka hindi ka mananalo

7
Limonadang tandang
lasingin ako
sa sunod-sunod na palò

Limonadang tandang
lasingin ako
sa iyong panalo

Wala akong pamasahe
walang maiuuwi
at lagot sa misis ko

8
Ang balato
ay nasa pugad ng banakon
at ang balato
ay tandang na ang tari
ay nakabaon
sa puso ng pusóng

9
Tumatakbo ang mga anino
ang isa ay iyo
ang isa ay akin
tumatakbo ang mga anino

Sasabihin bang
ganito ang mundo
gago at tarantado
minsan lang manalo
at madalas kung matalo

Tumatakbo ang mga anino
subalit magbabalik ka
ikaw na anino ko
sa iniwang buto o balát
sa iniwang kamandag

sapagkat kailangang tumakbo
ang relo
sapagkat kailangang tumakbo
ang sanlibong anino
carview.php?tsp=

Alimbúkad epic rhythmic poetry solidarity for the total liberation of all the oppressed peoples of the world.

Tóging, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Tóging

ni Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Narinig mo ito bilang isang pangangailangan; narinig at hindi maunawaan, ngunit nang maitala sa munting kuwaderno, ang salita ay agresibong nagtuon paloob sa sarili, ang sariling naghahanap at ginagawang sanggunian ang sarili, na nanganak nang nanganak ng mga pahiwatig at pakahulugan, kahit malagay sa alanganin ang sariling semantikong katinuan. Sabihing walang pakialam ito sa angking kaligiran, ngunit umuugnay pa rin sa layo, lalim, lawak; lumakad ka pa, at gaya ng dayuhang Heswitang misyoneryo ay mararating ang repetisyon ng paghayo at pagbalik sa banwá. Nang maisip ng abanseng Bagobo ang “tóging,” ang paglalayag ay nagwakas sa payak na pamamangka at naging siyentipiko ang pagdulog. Ang pakikipagsapalaran ay lumilingon sa bisa ng bato-balani ng hilaga patungo ka man sa timog o lumihis pakanluran: tangay ang alaala at kabatiran, tiyak na tiyak ang paggamit at walang inaaksaya kundi mawakasan ang pagkaligáw sa gubat at lagim na waring walang patutunguhan. Sapagkat ang modelo nito ay nagpapalitaw ng sekwensiya ng mga karanasan, ang tóging bilang token sa dulo ng dila ay lumilingon sa nakaraan, pinauunlad sa kasalukuyan, at pagsapit sa hinaharap ay lumilikha ng iba pang ugnayan—na hindi maisisilid sa napakakitid na simbolo o representasyon. Ngunit may katangian din itong saktan ang sarili, tumatampal sa sarili kung hindi nagpapatiwakal, kapag nagwakas na ang inaakalang silbi sa kalibutan. Hindi ako magtataka kung gamitin ito ng matalinong Bagobo pagsapit na pagsapit sa siberespasyo, sapagkat kaugnay din ito ng kapuwa kahíman at kaibógan—ang kombinasyon ng pagtanggi sa pagsuko sa abang kalagayan at pag-ayaw sa pagtamlay ng tinutugpang kapalaran. Patuloy nitong isasadula ang paglikha ng mga krokis, na parang Kriptograpikong Krokis, at kung sumapit man ito sa pinakamasalimuot na laberinto, makaiimbento ito ng sistema upang hulaan ang magaganap sa sarili at hulaan ang pagpaparami ng sarili—tawagin man itong paradoha o pagkabûang. Hindi kailangan ng tóging ang pakahulugan, gaya ng mga makinang nagluluwal ng matatas na wika nang salát sa pagkaunawa sa pakahulugan. Ang tóging ay hindi mapa; ang tóging ay isang estilístikong pamamaraan, na sa bandang huli ay káyang burahin ang kapuwa mapa at lupain ng iyong sinisintang paraluman.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration rocking the status quo.

Ang Kapana-panabik na Panahon ng Pambansang Wika, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kapana-panabik na Panahon ng Pambansang Wika

ni Roberto T. Añonuevo

NAKALULUGOD makita ang iba’t ibang organisasyon at indibidwal na nagbigay ng kani-kanilang kuro-kuro at saloobin hinggil sa pagtatalaga ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa kontrobersiyal na tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ito ang matagal ko nang inaasahan, na ang usapin hinggil sa mga wika ay hindi nakasalalay sa iilang tao lamang. Nakasaad sa konstitusyon ang tungkulin ng bawat Filipino na makisangkot sa gawaing pampamahalaan at sa mga isyung may kaugnayan at makaaapekto sa kanilang búhay, at isa na rito ang pagtitiyak na nasa mabuting kamay ang pambansang ahensiya na maituturing na pangwakas na larangan [battlefield] sa kinabukasan ng kabansaan.

Ang pangulo ng bansa ang pinakamataas na entidad na makapagtatalaga ng mga opisyal o kawani sa pamahalaan, ayon sa dating kapasiyahan ng Korte Suprema, at tanggapin man ito o hindi ay walang magagawa pa ang mga nagpoprotesta kundi hintayin ang himala at  dibinong interbensiyon na makapagpapabilis sa pagbabagong-loob ng pangulo.

Nasa sentro ng alingasngas si Marites A. Barrios-Taran, sapagkat siya, kasama ang dalawa pang higit na kontrobersiyal na komisyoner, sina Benjamin Mendillo at Carmelita Abdurahman, ang komokontrol ng KWF. Masasabing kontrobersiyal ito, sapagkat ang tatlong komisyoner na ito ang nagpapatakbo ng opisina at waring naging sopistikadong balakid upang hindi maipatupad ni dáting Tagapangulo Arthur Casanova ang mga dapat sanang programa at proyekto ng KWF. Hangga ngayon, nasa hapag ni Kal. Lucas Bersamin ang sangkatutak na reklamo ng mga kawani at opisyal, bukod pa sa Ombudsman at Civil Service Commission, na usad-pagong ang resolusyon, laban kina Taran, Mendillo, at Abdurahman.

Isa sa mga kaso ng tatlo ay ang ilegal o sabihin nang wala sa prosesong paghirang at pagtanggal ng mga kawani at opisyal, gayong ang kapangyarihang ito ay nasa kamay dapat ni Tagapangulong Arthur Casanova. Matatawag itong kudeta, at ang kudetang ito ay may kaugnayan sa ilegal na pagpapalathala ng ikaapat na bersiyon ng Implementing Rules and Regulation [Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng R.A. No. 7104], na walang pahintulot ng kalupunan ng komisyoner. Kung uungkatin ang kasong ito, maaaring maharap sa palsipikasyon ng mga dokumento at ilegal na paggamit ng mga pirma sina Mendillo at Abdurahman. Sa panig ni Taran, maaari siyang managot, kasama pa rin sina Mendillo at Abdurahman, sa pagsapaw sa awtoridad ni Tagapangulong Casanova dahil nagtalaga siya ng mga kawani bilang OIC at Direktor Heneral, gayong hindi saklaw ng kaniyang kapangyarihan ayon sa batas.

Hindi ko inaasahan ang ganitong uri ng opisina. Nasayang ang panahon ng kanilang panunungkulan sa batuhan ng akusasyon, na ang sukdulan ay ang red tagging ng mga manunulat at ang bigong paghawak sa bagong sangay na may kaugnayan sa Filipino Sign Language. Kung magiging mahigpit lamang sa pagsunod sa batas, ang mga red tagger na sina Mendillo at Abdurahman, kasama ang bagong talagang Direktor Heneral na si Jomar  Cañega na isa ring red tagger, ay dapat mapanagot sa batas.

Ang pinakamabilis na pagtanaw dito ay politika sa loob ng ahensiya.

Ngunit kahit sabihin pang may politika sa loob ng ahensiya, na hindi maikakaila ng ibang kawani o opisyal na nasa pamahalaan, kinakailangang magkaroon pa rin ng matibay na bisyon at sigasig ang mga opisyal at kawani na ipagpatuloy ang kanilang mga tungkulin at gawain, alinsunod sa mandatong itinakda sa kanila ng batas. Ang dapat nangunguna rito ay ang mga kawani, na nakapaloob sa unyon, at sinesegundahan ng mga part-time komisyoner, ngunit dahil waring salat ang halos lahat sa pagtataya at aktibismo, ay nasisipat na nauuwi sa pagsuko at pagtanggap ng buwanang suweldo.

May unyon sa KWF, ang Buklod-Filipino, na sa paglipas ng panahon ay unti-unting nawalan ng tinig, tiwala, at tindig upang ipaglaban hindi lamang ang mga indibidwal na karapatan ng mga kawani, bagkus ang Filipino at iba pang wika sa kabuuan. Wala na itong kredibilidad, na tila pagsunod nang mabuti sa padron ng tungkong Taran, Mendillo, at Abdurahman, gaya noong nakalipas na administrasyon ng tungkong Jose Laderas Santos, Carmelita Abduhraman, at Concepcion Luis.  Ang tatlong pangkat ng mga kawani sa KWF ay maaaring tingnan sa ganitong anggulo: una, ang mga tagasunod (at huwag nang banggitin pa ang mga kasapakat) nina Taran, Mendillo, at Abdurahman; ikalawa, ang mga loyalista ni dating Tagapangulo Virgilio S. Almario; at ikatlo, ang ilang kawaning hindi kabilang sa dalawang pangkat, at masasabing independiyente kung hindi man kumikiling kay Tagapangulong Casanova.  Hindi nakapagtataka na nabigong makapaglabas ng nagkakaisang tindig ang mga kawani ng KWF hinggil sa pagtatalaga kay Taran at mabilisang pagsipa kay Casanova.

Kung walang tinig ang mayorya ng mga kawani ng KWF ay bakit kailangan pang makisangkot ang iba pang nagmamalasakit [stakeholders] sa mga wika? Bakit kailangang ipagtanggol ng tagalabas ang simulain ng KWF kung ang mismong mga tagaloob ng KWF ay namamanhid sa kanilang sitwasyon at pambansang estado ng mga wika sa Filipinas?

Kayâ sa aking palagay ay hindi maibabato ang lubos na sisi laban kay dáting Tagapangulong Casanova. Kung aktibo lámang na nakikilahok ang mga kawani (at ang mga komisyoner at kinakatawan ng panrehiyong sangay) upang masupil ang katiwalian o maling proseso sa KWF ay matagal nang naituwid ang mga dapat maituwid. Kung isinantabi lámang ng mga kawani ang mentalidad na kopong-kopong na anggi ng mga loyalista ni dating Tagapangulo Almario o Tagapangulo Santos ay nakatulong sana nang malaki sa transisyon ng administrasyon ng KWF. Nanahimik ang karamihan, nagtampong parang sutil na kerubim, na ang sukdol ay kawalang-pakialam [indifference], at marahil nabahag ang buntot kalaunan; at kahit hangga ngayon, sa kabila ng maraming suporta at panawagan para sa pagpapanatili kay Casanova ay nananatiling umid ang nakararaming tagaloob.

Hindi sa kinakampihan ko si Tagapangulo Casanova. Isa sa mga isyung magpapasakit ng kaniyang ulo ay ang kabiguang matapos ang likidasyon sa ginastos na proyekto na may kaugnayan sa Bantayog Wika at hinahabol pa ng NCCA.  (Mabuting maipaliwanag ito sa nakararami nang walang halong emosyon. Ang proyektong ito, na ipinailalim sa Tanggapan ng Tagapangulo, ay isang malaking pagkakamali. Ngunit naganap umano ito dahil na rin sa politika ng mga kawani at opisyal sa loob ng KWF.) Para sa akin, kailangan ang Pambansang Bantayog ng mga Wika na magiging representasyon ng pagkilos, guniguni at bisyon hinggil sa kabansaan, at kaugnay ng Medyo Pangmatagalang Plano (2016-2020). Isa lámang at hindi sandaan o higit pang bantayog, na taliwas sa pangarap ni Tagapangulo Almario, ang kailangan, upang makaiwas sa pagsasayang ng salapi at nang hindi maging sampu-sampera ang pagkilala sa kahalagahan ng mga wika.

Samantala, gaano man kagaling na abogado si Taran ay hindi nito mababago ang KWF, sapagkat ang kasanayan niya ay malayo sa pagpapaunlad ng mga wika at paglagom sa taguyod ng iba’t ibang sektor na makapag-aambag para sa paglago ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas. Sa loob ng panahon ng kaniyang panunukulan bilang dating direktor heneral na KWF ay sumikat ang KWF, hindi dahil sa mga ipinatutupad na mga proyekto o isinagawang saliksik pangwika, bagkus sa pagsasampa ng mga kaso sa sinumang maituturing na kalaban o kritiko. Wala ring maitutulong itong sina Mendillo na kinatawan ng Ilokano (ngunit kulang ang kaalaman sa wika at larang ng Ilokano) at Abdurahman na kinatawan ng Waray (na walang matinong naiambag sa kultura at wikang Waray).

Si Taran ay inirekomenda umano ng 22 etnolingguwistikong grupo at organisasyong pangwika na gaya ng PASATAF, ayon kay Mendillo. Kung ano-ano ito ay isang palaisipan. Bukod pa rito’y matagal nang naglaho ang kinang ng PASATAF nang magbago ang pamunuan nito at inungusan na ng KASUGUFIL. Nakalulungkot ang sinapit ng PASATAF, ayon sa obserbasyon ng mga dáting pinuno nito; at makatutulong sa paglilinaw kung babalikan ang kaugnayan dito ni Abdurahman at iba pang komisyoner na pawang kinasangkapan umano ang nasabing organisasyon para sa pansariling kabutihan at maging gatasan sa mga taunang kumperensiya at seminar.

Hindi imposible ang interbensiyon ni Pang. Marcos Jr sa usapin ng KWF. Puwedeng lusawin ang naturang ahensiya sa pagsibak sa mga opisyal at kawani, at pag-uutos na magbuo ng isang interim na ahensiya habang inaayos pa ang binubuong panukalang batas sa Kagawaran ng Kultura, gaya sa mungkahi ni Almario. Mahirap burahin ang KWF bilang ahensiya sapagkat ito ay kabilang sa mga institusyong may basbas ng konstitusyon.  Gayunman, maaaring magkaroon ng pagdinig sa mga komite ng Kongreso o Senado, at ang resulta ng mga pagdinig ay magiging bahagi ng rekomendasyon kung sino-sino ang dapat sampahan ng kaso at patalsikin, o kung dapat pa bang may KWF, at kung paano palalaguin ang mga wika sa kabila ng nakaiwanan na ng panahong R.A. No. 7104 at pagpapanukalang enmiyendahan ito o ang Konstitusyon, alinsunod sa pangangailangan ng Filipinas at ng mga Filipino saanmang panig ng mundo.

Kung wala nang kredibilidad sina Taran, Mendillo, at Abdurahman bilang mga komisyoner sa mata ng taumbayan o mga kasangkot sa gawaing pangwika, paanong mapatatakbo nang matino ang ahensiya? Ewan. Ang kasunod nito ay posibleng maganap ang sama-samang pagbibitiw ng iba pang komisyoner, ang kolekstibong paghahayag ng obserbasyon at rekomendasyon hinggil sa Estado ng Wika at Ahensiya, at ang malawakang protesta sa siberespasyo, lansangan, kongreso, at palasyo. Kung magaganap ang mga ito, wala nang iba pang mabubuntunan ng sisi sa KWF kundi sina Taran, Mendillo, at Abdurahman, kasama ang bagong DH redtagger na si Cañega. Kapana-panabik ang panahong ito, wiwikain ng mga Tsino, na sana ay matamo ng maiiwang grupo.

Mga Mungkahing Hakbang

Kung sisipatin ang malubhang problema sa loob ng KWF, ito ay may kinalaman sa kabiguan ng Kalupunan ng mga Komisyoner na sundan at paunlarin pa ang naitatag na Medyo Pangmatagalang Plano [Medium-Term Development Plan 2013-2016 / 2017-2020] na itinatag noong administrasyon ni Tagapangulo Almario. Ang nasabing plano ang kauna-unahan sa kasaysayan ng naturang ahensiya. Nakasaad sa nasabing plano ang repormang pang-organisasyon, ngunit sa panahon ni Tagapangulo Casanova ay imbes na umusad ito ay umurong at naunsiyami, sanhi ng mga kuwestiyonableng paghirang sa mga bagong kawani, gaya ng nabanggit sa itaas.

Malinaw sa nasabing plano ang pagtatangkang magtatag ng balangkas sa pagpapaunlad ng mga wika, na kahanay sa pambansang plano ng pamahalaan. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi ito napagtuunan nang maigi. Kailangang lagyan ng buto’t laman ang nasabing bisyon, sa pamamagitan ng pagtutuon sa pagtatamo ng modernong teknolohiya at pagtataguyod ng mga pambansa’t panrehiyong impraestrukturang pangwika at dihital na umaakma sa panahon at siyentipikong pananaliksik, nang sa gayon ay maabot ang diyasporang Filipino.  Ang nasabing programa ay wala sa orihinal na plano ng administrasyong Almario o administrasyong Casanova. Sa kasalukuyan, ang KWF, sa ilalim ng administrasyon ni Tagapangulo Taran, ay napabalitang umupa ng P32 milyong bagong opisina, na kailangang timbangin pa kung karapat-dapat sa tungkulin nitong may kaugnayan sa pananaliksik, promosyon ng mga wika, at pagpapalathala ng mga babasahin na sumasaklaw sa iba’t ibang larang at disiplina.

Kung maipapasok ang KWF Medyo Pangmatagalang Plano sa Philippine Development Plan (2023-2028) at sa Regional Development Plan ng isang tiyak na rehiyon ay malaki ang magiging epekto nito sa sukdulang paglago ng Filipino at mga wika sa Filipinas. Mahirap ang ganitong gawain, ngunit hindi imposible. Ang unang nakagawa nito ay noong panahong masigasig na isinulong ni Leonida Villanueva, noong panahon ni Tagapangulo Ponciano BP Pineda, ang plano ng KWF doon sa Medium-Term Development Plan noong panahon ng administrasyong Corazon Aquino.

Nahihirapan ang KWF na ipatupad ang ganitong grandeng lunggati dahil sa limitasyon ng mandato nito na isinasaad ng R.A. No. 7104, at kakulangan ng badyet. Kung gayon nga, ang dapat inaatupag ng Kalupunan ay lumikha ng mga susog sa batas nang makasabay ang KWF sa nagbabagong pangangailangan ng mga Filipino saanmang panig ng mundo, halimbawa sa pagtataguyod ng Kawanihan sa Pagsasalin. Ang tungkulin ng mga komisyoner ay lumikha ng mga patakarang pangwika, makipagnetwork sa mga entidad, at magpanukala ng mga inobasyon at hayaan ang direktor heneral na ipatupad ang anumang programa o proyekto upang makamit ang mainit na tangkilik mula sa publiko at ang napapanahong resorses na kailangan sa paggampan sa mandato ng ahensiya.

Mababanggit din ang kakulangan sa monitoring at ebalwasyon ng mga programa at proyekto sa KWF. Halimbawa, bagaman magandang layunin ang Aklatang Bayan o Bantayog-Wika o mga seminar at pagsasanay na pangguro, walang malinaw na report kung ano ang naging datíng [impact] nito sa mga tao batay sa fidbak, analitiks, at sarbey. Ang Aklatang Bayan upang maangkin ng mahigit 100 milyong Filipino ay dapat nakaangkla sa pagpapaunlad ng mga impraestrukturang dihital at ganap na komputerisasyon ng mga gawain at malayang pag-akses doon ng mga tao, at hindi sa pagpapaimprenta ng tig-iisanlibong sipi na may posibilidad na gawing raket tuwing may serminar o kumperensiya. Kailangang humirang ang nasabing ahensiya ng matitinong kawani, at sibakin na ang mga dapat sibakin kung hindi nito nagagagawa ang iniaatang sa kanilang tungkulin. Pautik-utik lamang ang nangyaring pagganap sa KWF, parang token, at gaya sa mga konsultasyon nito ay usad-pagong at walang direksiyon, at hindi sineryoso nang maigi lalo nang magpalit ang mga administrasyon.

Kung ibig talaga ng pamahalaang ito ang mahusay na serbisyo publiko, kailangang tasahin ang mga programa at proyekto, halimbawa mulang Administrasyong Pineda hanggang Nita Buenaobra hanggang Ricardo Nolasco tungong Santos hanggang Almario tungong Casanova at hanggang Taran. Bagaman pinagbubukod ang bawat administrasyon sa kahingian ng panahon at pangangailangan ng mga tao, makikita pa rin dito ang sistemikong sakít na hindi matapos-tapos. Panahon na upang manghimasok ang publiko sa KWF, kahit sa isang anyo ng inisyatibang aklasang bayan sa himpapawid [cyberspace people power] nang mawakasan na ang aparato ng medyokridad at katiwalian, matamo ang magagandang aral at maibahagi at mapahusay pa ang mga karapat-dapat na karanasan—para sa mga Filipino, na umiiral sa pagpapanibago ng mundo.

carview.php?tsp=

Alimbúkad epic intergenerational language transfiguration critique for a better Filipinas.

Ang Diksiyonaryo, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Ang Diksiyonaryo

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Sino ang maniniwalang ang mga katutubong wika ang nagligtas sa malawak na espasyo ng Mindanaw laban sa kolonisasyon?

Wala kundi isang misyonero sa misyonerong posisyon. Kapag nakausap mo sa langit si P. Mateo Gisbert, sasabihin marahil niya sa iyo ang ganito: Kayâ nabalam ang ganap na pagsakop sa malawak na pulo ng Mindanaw ay dahil nalilito—kung hindi nabubûang—ang mga dayo sa mga wikang ginagamit ng mga katutubo doon. “Nakakálat sa buong isla, sila ay pinaghihiwalay hindi ng distansiya, kostumbre, at tradisyon,” ani Gisbert, “bagkus ng mga tiyak na diyalekto.” Nagkakamali ang butihing pari, kung ipagpapalagay na ang wika at ang diyalekto ay walang pagkakaiba sa larang ng lingguwistika at sosyolingguwistika. Kung iisa lámang ang wika sa buong Mindanaw, madali umanong mauunawaan ito ng mga mananakop at mapadadali ang pagpapáamò at pagpapásunód sa mga katutubo. Hinihingi ng panahon ang pangangailangang mag-aral ang mga misyonero ng mga taál na wika, at kausapin ang Tiruray sa Tiruray, ang Magindanawon sa Magindanawon, ang Subanon sa Subanon, ang Bilaan sa Bilaan, ang Giyanga sa Giyanga, ang Bagobo sa Bagobo, at iba pa. “Walang pasubaling mala-Babel ang naidudulot na kalituhan ng mga wika,” sulat pa ni Gisbert sa kaniyang borador na prologo, ngunit ang pananaw na ito ay hindi nagmumula sa pananaw ng mga Mindanawon. Ang nalilito’y ang mga misyonero at mananakop na pinunong Español. Walang itinatayong Babel ang mga katutubo; ang matalinghagang pagtatayo ngTore ng Babel, at rambol ng mga wika, ay maiisip na pakana ng kolonyang gobyerno na ibig palakasin ng mga tagapagsulong nito.

Sinematograpikong tatamaan ng sinag ang poklat ng pari, at sa pagkakataong iyon, sisilay din sa kaniyang malay ang sagrado’t gloryosong kabatiran na sundin ang iniaatas ng kalangitan. Sa pagninilay ng pari’y higit na kailangan ang diksiyonaryo bilang tulay ng pagkakaunawaan; walang silbi ang espada at krus, sampu ng mga galeon at kanyon, kung ihahambing sa mga diksiyonaryo at tesawro. Ang mga Bagobo, na mapang-aglahing tinagurian niyang kabilang sa lipi ng impiyéles na pinaghaharian ng Prinsipe ng Karimlan, ay maliligtas lámang umano kung buburahin sa gunita ang representasyon ng Diwata at Mandarangan. “Bagaman ang mga Bagobo ay bárbaro at kriminál,” sulat pa ni Gisbert, “napakahalaga nilang lipi kapag napasunód.” Tahimik na naninirahan sa kagubatan at sa lilim ng Bundok Apo ang mga Bagobo, at kung narinig marahil nila ang gayong mapanlagom na prehuwisyo mula sa dayo ay pinugutan agad ng ulo kung hindi man sinungalngal ng sibat ang misyonero. Sa puso ni Gisbert, ang diksiyonaryo ang susi upang mabuksan ng mga misyonero at gobernador ang puso ng ilahás. Sa loob ng labindalawang taon, magiging bihasa at matatas si Gisbert sa wikang Bagobo na tutumbasan ng sigasig ng pagiging leksikograpo. Silid na inaakalang kabusawan ang pinasok ni Gisbert. Sa loob nito, ang limokon ang magpapakilala ng bulawan at bonelso, dádang at ginamús, gunting at hukom, gamaw-gamaw at dipanog-on, god-doan at lab-bus, at laksang lahok na walang silbi ngayon kundi ipalamuting tatô, itanghal sa estante, o paningit sa kampanya o pelikula.

Mga wika ang pangwakas na tanggulan laban sa pananakop. Sakali’t makahuntahan mo ang gaya ni Gisbert, diksiyonaryo rin ang magliligtas sa kaniya tungo sa kung saang kilót.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry transfiguration for a better Filipinas consciousness.

Talababâ, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Talababâ

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Mababaliw ka nang gamitin ito nang palihis ni Borges; ngunit lalo kang mababaliw nang gamitin ito ni Leonen nang pamintis. Bawat isa’y isinasapuso ang dalumat ng “nábang,” sapagkat kailangang maunawaan. Ang una’y kumakasangkapan sa pagkamalakatha; ang ikalawa’y kumakawing, sinadya man o hindi sanhi ng pagmamadali, sa marupok na pagsagap sa balita; at yamang balita ay maituturing na sabi-sabi na mabibigong makatindig bilang ebidensiya, gaya sa nasasaad sa mga nakaraang hurisprudensiya. Sa akda ni Borges, natuklasan ang Uqbar dahil nagtatagpo ang salamin at ensiklopedya. Sa akda ni Leonen, natuklasan ang Banwá dahil nasa iisang panig ang telebisyon at konstitusyon. Bawat isa’y sumisipi, ngunit nagtatangkang sumiping sa kaangkupan ng katotohanan o kapani-paniwalang kabulaanan. Balikan pa ang bokabularyong Kapampangan ni Fray Diego Bergaño, at ang dalumat ng nábang ay hindi basta kinaluluguran. Lapian ang nasabing salita, halimbawa, at gawing “pakinabang,” at makasusumpong ng bunga o kabutihang matatamo, o pakikilahok sa iba pang bagay. Makikinabang ang mambabasa sapagkat kailangang pakinabangan ang bawat akda. Kay Borges, lumalawak ang kathang-isip sa pagbura ng realidad hangga’t malulusutan ang sanggunian; kay Leonen, kumikitid ang pangangatwirang legal kapag pumapalya sa paggamit ng makatotohanang sanggunian. Pilosopiko ang isa samantalang awtoritatibo ang ikalawa, ngunit matataguriang “kapakinabang” na kumbaga sa tao ay kasáma sa alinmang bagay. Ang “tolokinabang” ay karugtong ng pamamahagi o pagpapakalat: nagpapahiwatig nang walang hangga ang isa, samantalang ang ikalawa ay nagpapakahulugan nang napakakitid at wala nang iba pang maiisip na saliwang pagbasa. Sa tolokinabang, si Borges ay lumilikha ng mga pakahulugan at walang batas na sinusunod kundi lohika ng pagkatha; ngunit kay Leonen, siya ang kapuwa tagapaglinaw ng batas at ang tagalikha ng mga pakahulugan, na sa sablay na pagsipi ng sanggunian at saliwang pagsagap ng impormasyon ay nagwawakas sa pitolokinabang na walang kapatawaran. Ang mabuway na paggagad kay Borges bilang manunulat ay may posibilidad na mauwi sa kalabuan. Ang mabuway na paggagad kay Leonen bilang hukom na manunulat ay may posibilidad na magwakas sa malinaw bagaman maling kapasiyahan. Ang talababâ, gaano man kaikli ang linya o kaliit ang titik, gamitin man sa panitikan o hukuman, ay binubusisi o binabalikan upang makita ang ganap nitong kapakinabangan.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration rocking the status quo.

Sálindiwà, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Sálindiwà

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Tulad ng ibang palaboy, ikaw din ay maliligaw sa ortograpiya ni P. Juan de Noceda at ni P. Pedro de Sanlucar pagbuklat na pagbuklat ng Vocabulario de la lengua Tagala (1754). Susuyurin mo ang kanilang sinauna’t pangunang bokabularyo, at sa marupok, manila-nilaw na pahina ay matatagpuan ang ganitong bugtong:

Bulac talahib ang ∫onong,
ang ayami,y, calatondong.

Hindi ka man editor, sisikapin mong itugma ang kanilang sinipi mula sa Tagalog sa ortograpiyang moderno, at isusulat:

Bulak talahib ang sonóng,
ang ayami’y katalondóng.

Marahil ay pumuputi na rin ang iyong buhok; pumuputi, ngunit ang pinipiling laruan, dumurupok man ang gulugod, ay aliw na magpapabata—ang laruang kawangis ng katalondong, na kung hindi palumpong o baging ay pandak na punongkahoy na ang mga lungting dahon ay malago at sumasaklaw sa buong katauhan. Ngunit bakit ituturing ito na pasaring sa matandang ang puso’y nanánatiling malambing, mapangahas, maalab, at mapang-akit sa tingin at káyang maglaro pa ng apoy na makatutupok ng pangalan o simulain? Ang katalondong ba’y may lason, gaya ng katbalongan? Hindi ba ang katalondong, bagaman itinuturing na laruan, ay nakakikiliti sa guniguni at kung gayon ay nakagiginhawa? Kung ipapalagay na ang “londóng” ng Indones ay katumbas ng matalinghagang pagkawasak o pagkasira ay mapangwasak ang laruan. Ngunit sa Tagalog, ang nilalaro’y hindi nakamamatay; ang laruan ay nakagiginhawa bagaman kasinglungti ng guniguni ng mga dalubwikang Heswita.

Maaaring nasa isip nina Noceda at Sanlucar si Eba doon sa paraiso; o marahil, si Abraham na naghahanap ng magpapatuloy sa kaniyang lahi. Gayunman, ang pagmamalabis sa pagbasa’y sadyang nakukulayan, at kung hindi maunawaan, lalo't lumalabag sa kabutihang-asal, ay higit na pipiliing tanggalin at burahin sa susunod edisyon ng bokabularyo’t kamalayan. Ang bugtong, lalo’t hindi pag-aari ng banyaga, ay kay bilis pawiin pagsapit na pagsapit sa sagradong papel.

Lungti at puti. Ang paglalaro sa mga kulay ay hindi kasimpayak ng ayámin [laruang pambata], o kasinggaan ng talahib. Ngunit kung pagbabatayan ang mabilis na bigkas na “ayamín” na lahok din sa bokabularyo nina Noceda at Sanlucar—at naunang nalathala kaysa “ayámin” na lilitaw lamang sa ikalawang edisyon ng bokabularyo (1860)— ang salita ay kaugnay ng “malaswang paghipo” sa kasibulan. Ang nilalaro ng mga bata’y ang matanda, na maihahaka, at mapagtatawanan o malilibak, sa kaniyang karunungang nakapagpápakubà at malaswa—mula man sa umpukang naghahagikgikan at nagpupukulan ng mga tula. Maaaring hindi ito ang nasa isip ng mga paring Heswita, bagkus ang kabaligtaran. Ang Tagalog ay Tagalog. Sa isang palaboy na gaya mo, ang mawala ay bahagi ng walang hanggang pagsasadiwa, o higit na tumpak, ng ultimong sálindiwà.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration for a better understanding of Filipinas.

Sopistikado at Solopikâ, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Sopistikado at Solopikâ

ni Roberto T. Añonuevo

Kahit si Fray Gaspar de San Agustin ay nalito marahil sa salimuot ng Tagalog nang sulatin ang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1879). Kung ipapataw dito ang pinagtambal na wikang banyagang Latin at Español ay aakalain ninuman na malabnaw na salin lámang ang nasa Tagalog at ehersisyong dapat sundin at sundan ng banyagang bagong daóng sa Katagalugan. Ngunit naniwala siya, gaya sa sablay na pagsipi sa Biblia Sacra Vulgata, kung hindi tipograpikong pagkalingat sa imprenta o marupok na ortograpiya, sa halos pagsuko ng kaluluwa sa kabiyak na katawang-tao.

Nahilahil ang sungmaua
loob cong di mahanduca
sa buhay cong solopica
sa may ari mapagdaya.

Hindi ito ang wiwikain ni Job at uulitin ni Rizal; gayunman ay posibleng pumukaw sa sinumang Casanova sa gitna ng sabwatan at panlilinlang, sa paglayo ng mga kaibigan at pagdating ng mga kaaway, sa pagkawala ng ari-arian at pagyao ng mga minamahal, o kayâ’y sa panlulumo at kawalang-pag-asa pagtingala sa kalangitan. Ang katawan, na inaari ng iba, ay iba sa “loób” na mapaninindigan, gaya sa dalumat na nilingon ng mga alagad ng maalamat na dalubwikang Obispo Alejo. Ang sinasabing “alipin” ay hindi naghihinagpis sa isang bagay, bagkus ang panginoong inaakalang umaalipin at nang-aalipin ng tao. Ang pag-iral ay isang anyo ng panlilinlang, o marahil, isang pagpapakilala ng manlilinlang, gaya ng gahaman sa yaman, sex, at kapangyarihan. Ang umaangkin sa alipin ay siyang nagiging alipin. At ang itinuturing na alipin ay mananatiling malaya, sapagkat maaaring hindi niya sinisipat ang sarili na alipin, at lampas sa pagtanaw na uring panlipunan at pumapanginoon. Sopistikadong Tagalog—ito ang wala sa Aklat ni Job, at marahil ay isang pagmamalabis ni San Agustin habang nagninilay sa lilim ng kampanaryo at hindi maunawaan ang pahiwatig ng senyas at timbre ng mga tinig mula sa kabilang panig ng tinatanaw na ilog.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration reimagining Filipino at different angles.

Tatlong Tula ni Edward Brathwaite ng Barbados

Salin ng “Mmenson” ni Edward Brathwaite ng Barbados
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo

Mmenson

ni Edward Brathwaite
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Tawagin ngayon ang mga hari ng kagubatan,
pakakak ng elepante,
ang malungkuting panambitan ng elepante;

tawagin ang mga emir at hari ng disyerto,
ang mga kabayong ginintuan at mamámanà’t
umalohokan, puwerkospíng palaso, palsong busog;

gunitain ang mga tagumpay at kabiguan:
Agades, Sokoto, El Hassan na namatay sa tent niya,
ang mga seda at tanso, ang hilahod na tent

ng ating paglalakbay pababa sa bangin, tuyot
na ilog; lupain ng león, ng leopardo, bayan
ng elepante; talahiban at palumpungang matinik.

Hipan ang pakakak; tawagin ang mga kabayo,
mga patay na kabayo, na ating kawalan; ang búsog
na baluktot, mabagal na Congo, ang tigmak na Congo . . .


salin ng “Axum,” ni Edward Brathwaite ng Barbados
salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Axum

ni Edward Brathwaite
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Sa tulong ng Kalif
ng Kalangitan, na sumasakop
sa lahat, sa langit man o lupa;

Ako, si El Hassan, anak ng Amida,
Hari ng Axum,
ng Halen, Hemer, Rayden at

Salhen
ay nakidigma sa Noba,
at nakihamok sa Takazi, sa tawiran

ng Kamalke;
tumupok ng bayan, dumurog
ng mga nayon, kumulimbat

sa mga bahay at templong
yari man sa bato o dayami
ay di mahalaga; tinigmak

sa dugo ang mais;
tinupok ang mga altar ng sungay,
tanso at kobre; ipinukol sa ilog

ang kanilang mga diyos
at kinabukasan ay lumipat
hanggang marating ang Pulang Ilog . . .


salin ng “Chad” ni ni Edward Brathwaite ng Barbados
salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Chad

ni Edward Brathwaite ng Barbados
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Ang sagradong lawà
ay kaluluwa
ng daigdig;

Umalimpuyo ang hangin
na nagluwal sa kaluluwa
ng itim na mundo ng tubigan.

Ang lawàng ito
ay hinuhubog
ang mga digmaan ng mundo;

walang kapayapaan
sa mundong ito hanggang
mabatid ng kaluluwa

ang mundo.
Bumubulong sa umaga
ang mga tambo rito;

nag-aalab ang mga kalabaw;
at sa paligid ng mga baybay,
umiikot-ikot ang tao

sa madilim, balisang
pagmamadali; naghahanap
ng pag-asa; naghahanap

ng kaniyang kapalarang
malayo sa mga baybayin
ng lawàng ito.

_____________________
MGA TALÂ

Mmenson—isang orkesta na binubuo ng pitong pakakak na yari sa garing ng elepante, at ginagamit sa mga pang-estadong okasyon upang gunitain ang kasaysayan.

Agades—isang bayan sa kanlurang Sudan.

Sokoto—isang bayan na kilala ngayon bilang Hilagang Nigeria.

Axum—isang bayan sa Pulang Dagat [Red Sea], na sinasabing kauna-unahang nukleo ng Kaharian ng Ethiopia.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in solidarity with Filipinos searching for truth and justice.

Kopong-kopong, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Kopong-Kopong

Roberto T. Añonuevo
Filipinas/ Philippines

Laós na ito at sinauna, na hinugot wari sa esensiya ng tunggalian at pataasan ng ihi, ngunit ngayon ay bumabangon sa ngalan ng táktiko’t estratehikong hakbang, tiyak na tiyak sa pagkasarili at pagsasarili, upang magkapapel na katumbas ng walang kahulilip na kapangyarihan sa loob man ng magarang kámara o labas ng lipunang kubeta. Tila sunod-sunod na putok ng baril ang tunog nito, parang kíkay na kumekendeng ang imbay, at pagdating sa tunay na bakbakan doon sa pinakamadilim na larangan ay nang-iiwan ng isang babaeng umiiyak sa pagmamatuwid doon sa pampang. Lumalagom ito ng pananampalataya na may magagawang totoo, mabuti, maganda sa kabila ng pangyayaring ang mga kasáma na pabago-bago ang timpla at panlasa ay tigmak sa dugo ng panunupil o pandarambong ang kakintalan, at higit sa lahat, pagsisinungaling tungo sa kaligtasan ng itinuturing na kapatid na saradong pagnanakaw. Ito ang realidad kapag isinuko ang pag-asa sa harap ng gabundok na katiwalian: sumapi at ikaw ay maáambunán ng grasyang siksik, liglig, umaapaw. Kung ito ay para sa bayan, tanungin ang sambayanan. Kung ito ay para sa mga proyektong sobrenatural, hanapin ang pangakong walang katuparan. Kung ito ay para sa kapakanang transendental, pakinabangin ang bansang nauubos ang pagtitiis at pagtitimpi sa kasalukuyang makupad, mababa, makupal. Sumanib sa kapisanan ng bulók ay hindi pagtataksil sa simulain. Ito ang realidad na ibinabalik sa atin, ang katotohanang hangga ngayon ay pumupukaw sa ating watak-watak, walang puwersa, walang tinig. Paalala ito sa interkonektadong karupukan, na aminin man o itanggi ay magtuturo sa atin ng daan sa pinakamadugong bibitayan, gaya ng kapalaran ng haring tagapagligtas na nakabayubay sa krus at katabi ang dalawang pusakal na magnanakaw.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in search of justice and truth.

Ilog, ni Blaise Cendrars ng Switzerland

Salin ng “Flauve,” ni Blaise Cendrars [Frédéric-Louis Sauser] ng Switzerland
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

ILOG

ni Blaise Cendrars
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Le Bahr El-Zeraf

Walang mga tambo at talahib sa mga dalampasigan
Naglalaho ang malalawak na kapatagan sa malayo
Umaáhon ang mga pulo sa rabaw ng tubigan
Nagbibilad sa araw ang malalaking buwaya
Libo-libong ibon ang tumatakip sa bahura o latian

Nagbabanyuhay ang tanawin
May sinag ngayon sa palumpungan na hiwa-hiwalay
ang mga punggok na punongkahoy
Naglalaro ang makukulay na ibon at kawan
ng mga pabo
Maririnig sa gabi ang paulit-ulit na atungal ng león
na lumilitaw ang balangkas sa kanlurang baybayin
Ngayong umaga’y nakápatáy ako ng bayawak
na isa’t kalahating metro ang haba
Nananatili pa rin ang tanawin ng binahâng párang
Natanaw ng pilotong Arabe ang mga elepante
Kamangha-mangha
sa bawat tao na nasa itaas na kubyerta
dahil para sa amin ay ito ang unang pagkakataon
na magpapakita ang Hari ng mga Hayop
Mga elepante’y tatlongdaang metro ang layo
Makikita ang dalawang malaki isa ang kainaman
at tatlo o apat ang maliliit
Nang tanghalian ay sampung ulo ng ipopótamong
lumalangoy nang nauuna sa amin ang inihayag

Halos hindi nagbabago ang sukat ng termometro
Bandang alas-dos ay karaniwang nasa 33° at 38°
Kami’y nakakáki shorts sapatos polayna at walang tisert
Naibigan namin ang masarap na pagkain sa sasakyan
at ang mga bote ng kalawanging Torino
Dagdag na suot namin sa gabi ang puting diyaket
sa paghahapunan
Nagdaraan sa amin ang mga lawin at buwitre

Matapos ang hapunan ay tutungo ang barko sa gitna
ng ilog upang lumayô sa mga lamok
Kumakampay ang pasigan sa mga balangót at tairas
Iyon ay mabagal na biyahe sa mga kurba ng ilog
Nakita namin ang maraming antílope at usá
at ang matandang kalabaw ngunit walang rinoseronte
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration at different angles.

Apat na Tula ni Felix Pollack ng Austria at USA

Salin ng “Triolet,” ni Felix Pollack ng Austria / USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Triolet

ni Felix Pollack
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Ako’y biglang naalimpungatan,
nasa hangin pa ang panaginip.
Sana’y wala iyong katapusan,
ngunit ako’y naalimpungatan.
Sana’y mabihag ko ang anumang
panandali sa tuwing maidlip. . .
Ako’y biglang naalimpungatan,
nasa simoy pa ang panaginip.

#

Salin ng “Listening to Bartók,” ni Felix Pollack ng Austria /USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipino

Pakikinig kay Bartók

ni Felix Pollack
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Nagbubunyi at ngumangalngal sa isang bibig,
itinotono ng hangin ang mga telegrapikong mensahe,
nagbúbukás ang mga páyong sa ulan ng sinag-dagitab
na bumabagsak sa kanal na lumambot sa mga lusak.
Maringal na sumisibol ang mga rosas sa taeng-kalabaw.
Nagpapaligsahan ang mga puting saranggola
sa isa’t isa palagos sa bughaw na himpapawid,
ngunit habambuhay na hinihila pabalik, pailahas
na may pagkaligalig,
ng mahihigpit na bagting ng mga payasong maryoneta,
na pawang mararamdaming simbolo ng ating búhay.

#

Salin ng “Bach,” ni Felix Pollack ng Austria / USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Bach

ni Felix Pollack
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Ang tibok-ng-puso ng kaayusan sa loob
ng mga ugat ng kaguluhan.
Ang kontrapuntong martilyo ng kamatayan
na walang humpay na pumipitlag sa mauutak
na templong umaahon mula sa batuhan—
ngunit wala ring humpay na buháy na pitlag
ng maliliit na ilog.
Walang simoy ang búbugá palayo sa mga bituin,
na ang katahimikan ay makulit na lagitik ng relo
sa loob ng matabâng lamán ng araw.

Bach: ang kaniyang pangalan ay batis,
ang sapa na lumalarga sa ritmikong kulay
palagos sa buhangin at bato, nagtatakda
ng pagkailahas, na pinalulungti ang mga bambang.
At bagaman habambuhay nakatitig ang ahas
sa ibon, mapaghiganti nang malunok ang awit nito,
ang mga pintig ng tuwa ay masiglang umaapaw
sa pitlag ng pagkasalanta . . . pakinggan.

#

Salin ng “Old Woman,” ni Felix Pollack ng Austria / USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Matandang Babae

ni Felix Pollack
salin ni Roberto Torres Añonuevo

May isang kalansay
sa aparador ng kaniyang balát
na ibig lumabas. Nakikita ng lahat ito,
ngunit hindi sapat para pag-usapan pa.

Samantala,
patuloy siyang yumuyuko palapit
nang palapit
sa kaniyang anino.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in aid of developing Filipinas languages and literature.

Pagsasakulay, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Ang Pagsasakulay

ni Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Kakwák na sumusulat,
Ang araw ay pumulá—
Isang sigaw sa sangá.

Kapag nagsimula sa “Paanong umakda ang itim na balahibo?” ang tanong ay lumulundag sa mga puwang, at parang paggamit ng pinakamabilis na pormula sa paglutas ng palaisipan sa hatag ng mga numero at simbolo. Hindi masasagot ito sa kisapmata at pansamantala, o sa pagpapakete ng karaniwang akalà, gaya ng ginagawa sa diyona; ang mahalaga kung tutuusin ay ang simulasyon sa pagkaawtor, gaya sa aninong akda ni Edgar Allan Poe kung hindi man Teo S. Baylen. Ang sandali ay sinag na sinasalà sa orisonte o himpapawid upang pagbigyan marahil ang kulay na walang kinalaman sa ibon bagkus sa isinasakatawang ibon ng teribleng guniguni pagkaraan ng pagsagap ng mga mata. Ang transpigurasyon ng kulay ay hindi basta kulay; ito ay patungong rosas na hindi pananatili sa pagiging namuông dugo (at pangingitim) at kaugnay ng pagdapo. At kung umalimbukad man ang nasabing rosas na timpla, halimbawa sa paleta ng pintor, ay ihahatid ng alunignig mula sa tumatawid na simoy—na aakalain mong paslit na nagpupumilit tumindig, manimbang, sakâ humakbang nang walang pakialam sa iyo, sa kaniya, o sa aking daigdig. Ang panahon, sa bandang huli, ang umaangkin sa awtor, na masusumpungang isang anyo ng daloy, na hakain mang nakapangingilabot ay sisikapin pa ring maabot.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unconventional poetry rocking the status quo.

Tatlong Tulang Tuluyan ni Harvey M. Plotnick ng USA

Salin ng “The Restaurant,” ni Harvey M. Plotnick ng USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Ang Réstorán

ni Harvey M. Plotnick
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Hindi ko maramdaman ang lamig. Sa sulok, naghuhuntahan ang mga burikak hinggil sa mga kutsong kasindilaw ng mga kuko ng matatandang lalaki. Iniaangat ng mga mesa ang karneng-katauhan sa matatabang kahoy na pigi. Naghahalumigmig sa tisa ang mga bintana. Dinadaliri ng kabaliwan ang aking balát. Minarkahan ng utak ko ang sentro ng buto sa bisig at inisip ang pansalo sa bigat. Umiiral lamang ang mga bagay bilang umbok ng kirot. Parang liha ang nasasagap ng mga pandama. Ang sinag mula sa dingding ay ipinapako ang bawat laspag na posisyon. Bawat araw ay lumilipas gaya ng pagkalutáng—at hindi sumasapit ang gabi.

#

Salin ng “The Woman in the Train Station,” ni Harvey M. Plotnick ng USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Ang Babae sa Estasyon ng Tren

ni Harvey M. Plotnick
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Tuwing umaga’y naghihintay siya sa bangkô paharap sa akin, tulala’t malalim wari ang iniisip. Para kaming mga pasahero sa tren na umaandar nang paayon sa isang panahon; nakikita namin ang isa’t isa doon sa salamin nang hindi man lámang nagkakadaupang-palad o nagsasalita. Ano ang kaniyang trabaho? Saan siya nakatira? Ano ang kaniyang iniisip, o kaya’y pinapangarap? Nalulungkot ako sa lungsod, na nagpapasidhi ng pamamaalam nang walang pagtatagpo.

#

Salin ng “Downtown Saturday Night,” ni Harvey M. Plotnick ng USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Sabado ng Gabi sa Pusod ng Lungsod

ni Harvey M. Plotnick
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Mga pángangá-ngangáng pulubi’y sumusulong gaya ng kanser palagos sa mga ugat ng lungsod tungo sa mga nagdaraang tao na nakikita sila sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga ito. Gayunman ay lumalapit pa rin silang kulang-palad, bumubuntot na nagbabanta, paminsan-minsang nangungulit. Pumapasok ang mga tao sa mga palabas na torohan, gaya ng mga truk na naghahatid ng panlinggong edisyon ng mga peryodiko sa mga tindahang dumurungis sa mga restoran at teatro. Ang Kalye Estado ay galera para sa mga nagtatawanang pares at malulungkuting soltero; ang pook na ang sulyap ay nauuwi sa paninitá; ang kalyehon papasok sa mga tindahan ng aklat na nagbebenta ng kandìang pangkaisipan; ang tagpo para sa tayaan ng mga numero, na ang “x” ay ang nagwagi, at ang “x” ay habambuhay na hindi mababatid sa alhebra ng mga lungsod.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration repositioning Filipinas languages at global stage.

Tatlong Tula ni Ann Iverson ng United States of America

Salin ng “Handel Needs Me,” ni Ann Iverson ng United States of America
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Kailangan Ako ni Handel

ni Ann Iverson
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Sa mga bibihirang sandali
na tuwid kong nakikita siya palagos
na ramdam sa kabilang panig.

Gaya ng tao na nagmamasid
sa mangingibig na naliligo
sa likod ng maaaninag na tabing.


Salin ng “Rapunzel” ni Ann Iverson ng United States of America
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Rapunzel

ni Ann Iverson
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Sadyang hindi niya ibig
iwan kailanman ang kaniyang tore,
at hindi para kanino man.

Ibig lamang niyang ang mundo
ang lumapit sa kaniyang
antas ng puwersa ng bigat,

gaya ng lumilipad na eroplano
palayo sa lahat ng iniibig mo
sa araw na lalong kailangan ito.

Ang kaniyang buhok
ay walang kaugnayan
sa kaniyang kuwento.


Salin ng “Water,” ni Ann Iverson ng United States of America
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Tubig

ni Ann Iverson
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Pagsaksi sa sariling katawan: mga ilog, batis,
biták. Buong búhay ko’y pinagkaitan itong láwas.
Gaya ng bahagi ng lansangang nilagyan ng kordon,
Bago pa maganap ang ipinapalagay na krimen.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration rediscovering the power of Filipinas languages.

Silang Hindi Nakalilimot, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Silang Hindi Nakalilimot

Roberto T. Añonuevo

Silang hindi nakalilimot
sa pabrika ng digmaan
ay nagtatago sa Siargao.

Ang kanilang watawat,
isabit man sa mga bintana,
ay trapong pandinuguan.

Sino ang nagsabing mula
sila sa piling-piling lahi?
Naghahanap sila ng away,

at sabik sa pulutan at alak;
at kapag lubos na nalaspag
ay pamaoy-maoy sa daan,

at kung umasta’y parang
kanila ang lawak ng dagat.
Parang kanila po ang lahat.

Mga dayo silang Israeli
na kung hindi mga negosyo
ang gusto’y magpákasasà

sa paraiso na hindi nila
matamo sa Tel Aviv o Haifa.
Kulang kung tawagin silang

mga anak ng tupa at anak
ng puta, at kapag hinamon
ay umuurong ang bayag

at humihingi ng saklolo’t
kulang magtago sa embahadang
ang dapat sana’y ipasara

dahil sa henosidyo sa Gaza.
Subukin nilang gawing
Kampo ang buong isla.

Ipapakain namin sila
sa mga pating, o ipatotokhang
kung kailangan, para hindi

muling manakop sa Palestina.
Para maibalik ang ginhawa
sa Siargao ng libong alaala.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in solidarity with Palestine and all the oppressed peoples of the world.

Pagdanas sa Pananalinghaga, ni Martin Heidegger ng Germany

Salin ng bahagi ng “Aus der Erfahrung des Denkens” [The Thinker as Poet] ni Martin Heidegger ng Germany
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Pagdanas sa Pananalinghaga

ni Martin Heidegger
salin ni Roberto Torres Añonuevo


Landas at paninimbang
Taytay at pagsasabing
Sa isang hakbang matatagpuan.
Humayo nang walang hinto
Magtanong at umatras
Sa iisang daang patutunguhan.

#

Kapag tahimik na sumikat ang liwayway
sa ibabaw ng kabundukan

Ang pagdidilim ng mundo’y mabibigong
marating ang liwanag ng Pagsasakatawan.

Nahúhulí tayo para sa mga diyos at labis
na maaga sa Pagsasakatawan. Ang tula
ng Pagsasakatawan, na nagsimula, ay tao.

Tumbukin ang tanging bituin lámang.

Ang mag-isip ay pagsisilid ng sarili
sa iisang diwaing balang araw ay titindig
nang walang tinag gaya ng talà sa langit.

#

Kapag ang munting molino sa labas
ng bintana ng dampa ay umaawit
sa paparating na unos

Kapag ang tápang ng diwa ay sumupling
mula sa utos ng Pagsasakatawan,
mangingibabaw ang tadhana ng wika.

Habang taglay natin ang bagay na nakikita,
at nasa ating mga puso ang pandinig
para sa salita, magtatagumpay ang pag-iisíp.

Kakaunti ang may sapat na karanasan
sa pagtitig sa kaibhan ng layon ng erudisyon
at ng bagay na siyang pagninilayan.

Kung sa pag-iisip pa lámang ay mayroon
nang katunggali na hindi basta kalaban,
ang kaso ng pag-iisip ay napakasuwerte.

#

Kapag biglang naglagos sa puwang ng maulap
na kalangitan ang sinag at lumutang-lutang
sa lamlam ng mga párang

Hindi tayo sumasapit sa mga diwain.
Lumalapit ang mga ito sa atin.

Iyan ang tumpak na sandali ng diskurso.

Pinasásayá tayo ng diskurso nang may lakip
na pagninilay. Ang gayong pagninilay ay hindi
nagtatanghal ng makamandag na kuro-kuro
o nagtitiis sa mapagparayang pagsang-ayon.
Ang layag ng pag-iisip ay pinanatiling maayos
para sa bugso ng simoy na tinatalakay.

Mula sa gayong pagkakaibigan, ang ilan
ay lilitaw na palaboy sa sining ng pagninilay.
Upang ang isa sa kanila, na hindi inaasahan,
ay maging dalubhasa.

#

Kapag sa maagang tag-araw ang nag-iisang
narciso ay sumibol nang nakatago sa párang
at ang rosas sa batuhan ay kuminang
sa lilim ng kátong-balugà,

Ang luningning ay nagiging payak.

Tanging hulagway na nabuo ang nagpapanatili
ng bisyon. Gayunman, ang nabuong hulagway
ay mamamahinga sa tula.

Paanong aagos ang kagalakan sa atin
kung ibig namang iwasan ang pighati?

Ang hapdi ay nakapagbibigay ng kapangyarihang
makapagpagaling sa sandaling hindi inaasahan.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration challenging the status quo.

Tatlong Tula ni Celia Dropkin ng Belarus at USA

Salin ng “אין האַמאַק” [In a Hammock] ni Celia Dropkin ng Belarus/ USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Sa Duyan

ni Celia Dropkin ng Belarus / USA
Salin ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Habang nakahiga ako’t nagduduyan
ay lumalagos sa mga sanga
ang mainit na sinag ng araw;
pumikit ako’t tila naaninag ang asul
na sulat-Tsino sa bulawang dahon.
Ang makikináng na sinograma
ay kumislap sa kung saan-saan
gaya ng maliliit na bintana ng kulay
sa isang toreng ginintuan.

Hindi ko nauunawaan ang sulat
ngunit binabása nang ganito:
Mahal kita, mahal kita,
na kusang lumilimbag sa aking puso.


Salin ng “די מאַסקיטע” [The Mosquito] ni Celia Dropkin ng Belarus / USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Ang Lamok

ni Celia Dropkin ng Belarus / USA
Salin ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Marahil ay namatay na ako
ngayong gabi
kung hindi dahil sa munting lamok.
Kinagat ako nito, kinagat nang paulit-ulit,
at sinipsip ang tákot palabas
sa akin at ayaw akong tantanan
at humagingging pa, mahina at manipis,
na nagpakalma naman sa akin: Hindi ako
nag-iisa sa mundo, naisip ko, at hindi nito
ako iiwan nang nagdadalamhati
kung ang gabi’y sinlupit ng kamatayan.


Salin ng “מיין גאַסט” [My Guest] ni Celia Dropkin ng Belarus / USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Ang Aking Panauhin

ni Celia Dropkin ng Belarus / USA
salin ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Tulóy, tumulóy ka, aking panauhin.
Ihimlay mo rito ang iyong pasanin
sa búhay; maghubad, mamahinga
sa aking maliwanag na tahanan.
Hugasan ang mga kamay, paa,
at samáhan ako sa aking hapag.
Tighawin ang iyong gútom, úhaw
sa aking dibdib, sa aking dibdib—
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration breaking barriers and prejudice.

Kahit sa Panahon Ko, ni Joyce Sutphen ng United States of America

Salin ng “Even in My Time” ni Joyce Sutphen ng United States of America
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Kahit sa Panahon Ko

ni Joyce Sutphen
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Kahit sa panahon ko’y gumuguho ang mga kaharian,
at naglalaho ang mga pulô sa ilalim ng mga alon,
nagbúbukás ang hanggahan, at nabubuwag ang pader.
Napakaraming bansa ang di ko kailanman makikita.

At kahit sa panahon ko, isang punò ang namatay
at isa pa ang tumangkad. Bumukás ang kalangitan
sakâ puminid nang marahan. Nanilaw ang mga titik,
at ang mga kortina ay pumusyaw doon sa bintana.

Mga kaibigang dáting napakaitim at anung kisig
ay tumanda. Nadurog ang mga buto nila sa gulugod,
o nagkatumor ang ilalim na bahagi ng kanilang
tadyang. Minsan, di na tumibok ang kanilang puso.

Kahit sa panahon ko, may mga harding hitik na hitik
sa bulaklak na tatagal lámang sa loob ng isang araw.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in solidarity with all the oppressed peoples of the world.

Mga Salin, ni Imtiaz Dharker ng Pakistan

Salin ng “Translations,” ni Imtiaz Dharker ng Pakistan
salin ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

MGA SALIN

ni Imtiaz Dharker
salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo

Maisasalin mo ba ang aking mga kamay at paa?

Ako ang singaw na umaahon
sa iyong bubungan kapag tanghaling-tapat.
Marahil ay natatandaan mo
ang aking pintig sa loob ng awit;
ang katahimikan, pagkagitla,
ay tumatawid mulang bibig hanggang butil.

Tinalo ng mga bota ang pagpapalit
ng mga panahon, hinigitan
ang pangako ng mga namumungang punò,
at itinaboy palayo ang pag-aani.
Nakaangkop naman ako sa pagbabago.

Sa bawat pagtanggal sa kakayahang pumili
ay nananatili ang kapayakan.
Buháy pa ako ngayon. Naririto pa rin kami.
Nakakakain pa ngayon ang aking mga anak.
May natitira pang tubig. Purihin ang diyos!

Ang mga bagay na ito ay pareho lamang
sa wika ko o sa wika mo.

Ngunit paano mo isasalin ang aking bibig?
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration for a better understanding of different cultures.

Tríptiko Daláhik, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Tríptiko Daláhik

ni Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

1
Ang babae na nasa bunganga ng bahay
ang búhay na iiwan ng lalaki na walang
babae.

Ang lalaki na nasa bunganga ng bahay
ang búhay na iiwan ng babae na walang
lalaki.

Ang búhay, gaya ng bahay, ay pipínid.
Ang bahay, gaya ng búhay, ay búbukás.

Ipinid ang bahay at buksan ang búhay.
Ibukás ang búhay at laláwak ang bahay.

2
Hindi siya dalagsót sa aking paningin.

Siya ang dalampáng
na sumagip sa akin
noong palutang-lutang ako sa laot.

Ito ang nabigong wikain ni Jonah
sa loob ng tatlong araw at gabi
noong nasa sikmura ng balyena—

na isasagot ko ngayon sa pang-uuyam.

3
Sinagot ko ang kaniyang kasindirít
at nainggit ang mga pipit.

Nasa simoy ang musika at nananambitan.

Lumuwa ang aking puso
sa tamang panahon
upang pagkaraan ay maghubad ng lampin.

Dumila siya sa hangin—
nakatingala nang anong taimtim—
waring hinihintay ang patak ng mga bituin.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry configuration in solidarity with all the oppressed peoples of the world.

Gilílan, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Gilílan

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Ikukubli ka upang mag-iwan
ng marka, minsan pa,
ang ulo ng mga pakò.

Ang dingding, na maghahati
ng loob ng silid
at lawak ng kalibutan,
ay tumatibay sa iyo.

Ikaw ang suhay ng langit
kung kaming umiibig ay walang
sawà sa pagtatalik

at nagpaparami sa daigdig.

Maggililan ay pagtuklas sa púsod
at mga bundok

upang ikaw ay sumapit:
matigas at subók na kahoy,
ang sandalan ng pananalig

na kaugnay ng paghahaligi sa baít.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry configuration reimagining Filipinas languages.

Awit ng Sionista para sa Palestina, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Sionista para sa Palestina

Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

Lahat ng kulay ng lagim na maipapataw
sa iyo ay hinarap at matapang na sinalungat.

Lahat ng anyo ng paglupig at pag-alipusta
na ga-halimaw ay tiniis mo’t sinalungat.

Lahat ng tangkang pagbura sa pag-iral
ay pinigil mo nang paulit-ulit at sinalungat.

Iniwan kang nag-iisa sa iláng, ngunit lumaban
nang taas-noo sa paggigiit ng mga karapatan

kahit ikaw na lámang ang sumasalungat
at ang sumásalúnga sa Bundok ng Pag-asa.

Ano pang dibinong pagsubok ang dapat
ibigay sa iyo para ihinto ang pagsalungat?

Aagawin namin sa iyo ang tinubuang lupa
para tumabon sa aming sakím at bathala.

Umaapaw ka sa ibang planetang pagmamahal
at ang kasaysayan ay hindi namin masalungat.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry for the total liberation of Palestine.

Forthwith, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Forthwith

ni Roberto T. Añonuevo

Ang pook na nakikita ngunit tinatanggihang marating, ito ang yugto na humihila sa katabi, katapat, kanugnog at matinding pangangailangan; at dahil hinihingi ng sandali, anuman ang dala mong katwiran o akalang hadlang, ay hindi maikákailâ at máipagpápalíban, gaya ng pagpapatalsik ng lason sa isip o katawan, o kayâ’y pagnanakaw ng idlip kahit nasa mataas na andamyo o nagpapagupit sa madaldal na barbero. Maaaring sagapin ng mga mata ang pook na ito sa anyo ng siyam na halimaw na may himig ng siyam na bagyo; at isang pihit pa’y sa anino ng siyam na musa sa siyam na destinasyon ng sukdol na kaluguran. Naghihintay ang pook; naroroon ang sagot sa lunggati o pananalig o hinuha, na kahit abot-tanaw ay ano’t pinangangambahang malanghap ang lapit sa iyo o sa akin. Paano kung hulog ng langit na lumapag sa palad ang lunggati sa anyo ng papel na ibon o tangkay ng tirador? Ikaw na urong-sulong ay pikit-matang kumakapâ pa rin sa dingding o hangin, hahabulin ng mga multong ikaw din ang nagpapalitaw, nagbabantulot kahit hindi nararapat na tila nakarinig ng kulog, papayag na maging kampante o mawalan ng bayag, at aayaw tawagin iyong tuldok sa lawas ng bughaw at puti. Higit na iibigin ang pook na may halina ng tagabulag, na nabubuntis sa haplos o iyot-hangin; at sapagkat walang pamantayang hugis, at nakabatay sa hula, at lalong hindi atas ng tawag ng kalikasan, ay maaaring iligpit, itabi, at iwanan muna ngayon hanggang mabulok nang ilang libong taon, na magpapalusog nga naman sa sinaunang alamat ng kalibutang walang kahulilip ang bigat.

carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry transfiguration in search of humanity.

Sa Kampo Refuhiyado, ni Sharif S. Elmusa ng Palestine at USA

Salin ng “In The Refugee Camp,” ni Sharif S. Elmusa ng Palestine at USA
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Sa Kampo Refuhiyado

ni Sharif S. Elmusa
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Ang mga kuból ay yari sa lúad at dayami,
ang bubungan nila ay nangangamba sa ulan,
at laylay ang mga dingding gaya ng mga nilupig.
Ang mga kalye ay nakalatag sa isang grid,
gaya sa New York,
ngunit walang dangal ng mga pangalan
o aspalto. Naghahari ang alikabok.
Ang mga babae’y namumutlang
inahing manok at ang mga bata’y pinakakain
ng mga pabula mula sa naglahong lupain.
At isang baliw ang lumagari ng leeg ng laminar
na ang maindayog na tinig
ay sumisigaw ng saklolo sa ngalan ng mga deboto.

Tumititig siyempre ako sa himapapawid
sa mga gabing maaliwalas,
sa mga bituing nagpapaulan
ng malalambot na butil ng liwanag,
sa kalkuladong mukha ng buwan,
sa mabuting anghel na nababalot ng lilang simoy.
Wala akong hagdanan,
at walang nahulog mula sa langit
para sa aking ga-suklay na mga kamay.

Ay, sa gayon ko baga isinumpa si Eba at si Adan,
at lahat ng nagtulak sa kanilang maging refuhiyado.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration in solidarity with all the oppressed peoples of the world.

Refuhiyado, ni Gwen Harwood ng Australia

Salin ng “Refugee,” ni Gwen Harwood ng Australia
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Refuhiyado

ni Gwen Harwood
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Nagugunita ko ang gaspang ng tanawing tinastas
ng mga taon ng ligálig, ang mga bayan-bayan
na di-maisip na luma, at ang pasákit na ramdam
ng Kristo sa simbahang dinarasalan naming lahat.

Tanda ko ang nagkawing na pigura sa mga pook.
Di ko tiyak kung iyon ay duwelo o magkaakbay.
Ang mapupusok na senyas ng aming mga patnubay,
habang palapit kami sa nagsasalupong ang ilog

doon sa bato, ang malupit na silakbo ng baha.
Umúusál ng Kalayaan ang tinig sa ugnayang
nakalimutan ko. Ang tigmak na pulang batumbuhay.
Ang aking buong búhay ay sindak ng dugo ang diwa.

Tanda ko ang dagat na dumidila sa malungkuting
piyer, at ang hinalukay na pagkain. Ngunit hindi
ang mga mukha ng mag-anak; bagkus pook na tangi
na wala sa bahay, at ang mga luha ng panimdim.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic raging poetry in solidarity with all the oppressed peoples of the world.

Leningrad, ni Osip Mandelstam ng Rusya

Salin ng “ЛЕНИНГРАД,” ni Osip Mandelstam ng Rusya [Russia]
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Leningrad

ni Osip Mandelstam
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Nagbalik ako sa aking lungsod, sa mga luhang pamilyar,
sa mga díris at namagâng ugat ng aking kabataan.

Nagbalik ka nga rito—ngunit pagdaka’y para lang lumaklak
ng mga langis ng poste ng koryente ng buong Leningrad.

Kilalanin ngayon ang araw ng nápit na ulop-Disyembreng
inihalo sa apyák ang nagbabantang alkitran ng kalye.

Petersburg, hindi ko iibiging kisapmata kang yumao:
Nasa iyong utak pa ang numero ng aking telepono.

Namumuhay ako sa hagdang itim; sa aking pilipisán
ay kumukuliling ang dorbel, na makapupunit ng lamán.

Buong gabi’y hinintay ko ang mga mahal na panauhin,
at ang kadena, ang kadena sa sahig ay kumakalansing.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry transfiguration seeking justice for all victims of crimes against humanity.

Pananabik sa Saari, ni Mina Assadi ng Iran

Salin ng “دلتنكى براى سارى ١” [Yearning for Saari] ni Mina Assadi ng Iran
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Pananabik sa Saari

ni Mina Assadi
salin ni Roberto Torres Añonuevo

O, mga tigmak na damuhan
na lumalago sa mga pasigan
ng aking tinubuang bayan,

sabihin sa dayaray na tumatawid sa inyo:
may isang tao doon sa kabilang ibayo
ng mundo ang sabík at halíng na halíng
sa halimuyak ng inyong katawan!

---------------
*Ang Saari ay tumutukoy sa panlalawigang kabeséra ng Mazandaran ng Hilagang Iran.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry transfiguration shattering racial prejudice.

Panahon ng Dagat, ni Pierre Reverdy ng France

Salin ng “Temps de mer,” ni Pierre Reverdy ng France
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Panahon ng Dagat

ni Pierre Reverdy
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Sa malayo, hatid ng pagsulak ng buwan sa rurok ng mga alon, ang simoy ay nanatiling masiklab nang higit sa inaasahang tagal. Umaawit ang mga magdaragat habang inilaladlad ang gabi sa kanilang mga layag. Ibinubukad ng Silangan ang mga hiwaga nito sa matitigas na bato ng pantalan. Ang mga mata nila’y hitik sa malalabong hulagway. Nasa balutan ang kanilang mga gunita. Ang parola’y mababang bituing pumipihit. At ang malalayong pangitain ay papalapit. Nakikipagpalit ng mga klima ang mga lupain. Nahihimbing ang opisyal ng adwana, nagpapahinga sa kaniyang kabina. At ang kaniyang anino’y gumalaw-galaw. Ang nagdaraang mga barko’y lumubog sa panggabing karimlan, pinakikislap ang pangwakas na bugso ng liwanag. Nalusaw ang araw. Humaba ang poliyagan. Walang humpay na sinalà ng mga alon ang sako-sakong bituin. At ang dagat ay pawisik na umindak sa angking repleksiyon.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration for the liberation of all the oppressed peoples of the world.

Dasal, ni Zaki Baydoun ng Lebanon

Salin ng “Prayer,” ni Zaki Baydoun ng Lebanon
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Dasal

ni Zaki Baydoun
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Tuwing naglalakad ako’y sinisikap kong gayahin ang orisonte. . .
dahil wala nang liliit pa sa gayong sandali.
Ang matandang maylikha ay marahang pinaplano ang kaniyang
krimen. Ang pinid na bintana na may diwa nitong mundo
ay walang kamuwang-muwang na nabuksan.
Ito ang alam na alam ng mga pari: ang eternidad ay ulam
na niluluto lámang sa mahinang apoy.
Dasal at tiyaga ang makabubúhay sa mga mananampalataya.
Mapalad ang langit na nililipad nang walang hangga ng asul
na ibon, ang palabang orisonteng naglalaho ang lahat.
Mapalad ang katahimikan, na mahiyaing laláng, na malimit
may panahon sa pakikipag-usap sa iba pang laláng.
Mapalad ang mundo, ang inosenteng tao na ang kahangalan
ay nagdudulot para maging bilanggo siya ng sarili.
Mapalad ang walang mukhang realidad, ang tanging bútas sa gilid
ng kawalang-tulog, ang hinagpis ng pagkabalisa,
ang atungal ng solitaryong panahon.
Hindi sugatang buwan ang nakababagabag sa gabi, bagkus kirot
na nabalaho sa pagkapanatag.
Tuwing naglalakad ay ginagaya ko ang orisonte dahil ang papalipas
na sandali ay walang iba kundi mga punto ng tadhanang
nakabalatkayo, ang orisonteng wala kundi gilid ng pagod na bisyon.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration for the total liberation of all the oppressed peoples of the world.

Alas-singko, ni Ahmad Yamani ng Egypt

Salin ng “Five O'Clock,” ni Ahmad Yamani ng Egypt
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Alas-singko

ni Ahmad Yamani
Salin ni Roberto Torres Añonuevo


Walang uwak, langaw, ni pipit ang dumapo sa bintana. Ang nangunguluntoy na bulaklak, na lumagpak mula itaas na palapag, ang dumapo sa bintana. Mananatili iyon sa mesa hanggang magdamag. Sinulyapan ko iyon na tinamaan ng sinag, na makapagpapadugo sa iyong mga mata. May pinturang guhit ni Klimt ang nakasabit sa dingding, na naglalarawan ng masaya’t makulay na búhay na nanguluntoy sa harap ng sugo ng kamatayan na nakatingin nang mapagmataas sa talaksan ng mga katawang umáasó at ang mga ulo’y lungayngay. Patay na sila bago pa man pagtutusukin ng sibat ng anghel. Inilagay ko ang bulaklak sa pagitan ng kalansay ng anghel at makukulay na nilalang, ngunit ang bulaklak ay nairita at nabigong maging tulay. Hindi ba nangunguluntoy na ito? Inilipat ko ang bulaklak sa ukâ na mata sa ulunan ng anghel at pumuwesto iyon nang komportable. Ngunit ang bulaklak ay hindi nilikha upang punan ang ukâ na mata. Ang bulaklak ay nilikha upang punan ang balkonahe ng itaas na palapag, ngunit patay na ito. Ang totoo’y lumagpak ito sa akin dahil patay na. Sa bintana, ni walang uwak, langaw o pipit ang dumapo.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry transfiguration celebrating life and resurrection.

Tatlong Tula ni Shuntarō Tanikawa ng Japan

Salin ng “Will the Landscape Flow out of the Frame?” ni Shuntarō Tanikawa ng Japan
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Lalampas kayâ sa kuwadro ang tanawin?

ni Shuntarō Tanikawa
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Iginuhit ng pintor ang larawan na nagkataong kakaiba sa anyong nasa harapan niya. Naiiba ito sa orihinal niyang hangad at niloloob. Ang makikita mo sa bukana ay kawangis ng botelyang karaniwang pamatak sa mata. Sa bandang gitna’y masisilayan ang kalangitan; at sa likuran naman ay gaya ng mga bakás ng mga paa ng hayop. Ang timpla ng kulay ay pantay na mala-kalawang na ang pangkalahatang impresyon ay samot na lihà ng makapal na tabla ng roble.

Walang sinumang makapagsasabi kung nasaan ang tanawin, o magkakalakas-loob wikain kung ano ba talaga ito. Ngunit nabigo ito sa pagiging abstrakto; ni hindi makatutumbas sa alinmang maiisip na hulagway. Hindi maaasahang maisasabit sa alinmang dingding ng alinmang uri ng silid ang larawan, gayunman ay hindi nararapat hamakin ang larawan o tuligsain ang pintor nito. Ang pintura ay waring nagkataon lámang, at kung gayon ay matapat at maituturing na bintanang nagbúbukás ng maraming bagay sa mundong ito; at anuman ang makita natin sa pamamagitan ng bintanang ito ay mananatiling lihim magpakailanman.

Ang kuwadro ng artefaktong ito, na masinop na ginawa marahil ng isang mahiyaing artesano, ang tanging batayan para mahulaan ang halaga ng larawang ito, ngunit hindi matitiyak ninuman kung ang nasabing larawan ay umagos palabas ng kuwadro.


Salin ng “Sun,” ni Shuntarō Tanikawa ng Japan
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Araw

ni Shuntarō Tanikawa
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Nagsayelo
ang papalubog na araw
sa isang sulok ng pinturang larawan.
Ganap na naihayag ng mga pigmento ng oleo
ang pakiramdam ng balát
na nakadikit sa mga tadyang ng lalaki at babae
na pawang nakatalungko sa lupa.
Ang polyeto ng museo ay tinaguriang barók
ang estilo ng hagod;
at ang batang babaeng
napatitig sa nasabing larawan
ay biglang tumalikod, masuka-suka,
at waring ibig iduwal ang inagahang lugaw.

Salin ng “Freedom” ni Shuntarō Tanikawa ng Japan
Salin sa Filipino ni Roberto Torres Añonuevo ng Filipinas

Kalayaan

ni Shuntarō Tanikawa
salin ni Roberto Torres Añonuevo

Ang tao na nasa bingit ng taggutom ay walang layàng
wasakin ang mga titik na ito na tinipa sa puting papel.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry transfiguration in solidarity with Global People Power for the total liberation of Palestine.

Mga Talâng Hindi Maunawaan ni Alexandre Dumas Mula sa Kuwaderno ni Paul de la Geronière, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Talâng Hindi Maunawaan ni Alexandre Dumas Mula sa Kuwaderno ni Paul de la Geronière

ni Roberto T. Añonuevo
Filipinas / Philippines

1
Ang pitak-pitak na pinursigí sa balágat
ng bundok ay tumátangô, umíilíng
sa masisiglang magsasaka.
Sumasalakay ang huni ng mga pipit.
Nagpapalamig ang kalabaw sa sanaw,
walang kaimik-imik,
at ang kareta ay hilahod sa kinandán-pulá.

2
Nagtanim ako ng kinarayon,
Nabusog lahat ang taganayon.

3
Ang mga butil ng lanlan-Sanglay
ay iniluwas sa Macao;
ang naiwan sa inyo ay henetika
ng mga ipa at utang.

4
May tatamis pa ba sa pinurútung
ng Jála-jála?
May hihigit pa ba sa kiríkirí
ng Jála-jála?
Kapag umuwi ako sa Fransiya’y
bigyan po ako ng limampung sáko
ng kinabíbaw—
Alaála ng inyong Jála-jála.

5
Umuulan ng binuríri
Nang tayo’y ikasal.
Umuulan ng binuríri’t
Puring-puri ang ating kasal.

6
Ang bihasa sa pagtatanim ng mangóles
ay naninimbang sa mga dalisdis,
tumatawid sa lubid ng libong panganib,
lumulundag sa magaspang na batuhan,
at nakaaakyat sa mga bangin,
gaya lámang ng matandang kambing.
Ginagawa niya ito
upang ako ay makakain,
at higit sa lahat,
upang ang buong bayan ay makakain.

7
Mauubos sa kamalig ang pinagokpók
wala mang digma, salot, bagyo at tagtuyot.
Ito ang hula ng pitho doon sa loók.

8
Nang mangaligkig ako sa dita ng pana,
akala ng frayle ay mamatay
ang aking tadhana.
Pinainom ako ng sabaw ng makapílaypusà.
Wari ko’y isang himala ang bumangon
gaya ng pusa.
At ako nga’y nakabangon at unti-unting
umimpis ang katawang magang-maga
pagkalipas ng ilang buwan,
matapos gamutin ng matandang iika-ika.

9
Nagpasangag ako ng binoliti
at nagpaluto ng sampung kanduli.
Ngunit yumao na ang aking kabiyak
at yumao pagkaraan ang mahal na anak.
Ang umáasóng tsokolate ay nasa mesa;
pinananabikan ang munting agahan
sa pagbabalik nila.

10
Pighati ng mangúsa ang dala ko pagbaba sa bakoód.

11
Ang Kabalyero ng Orden ng Lehiyón ng Dangal
ay isang butil lamang ng tinumà.
Ang inyong pagtanggap sa akin
ay hindi kasingdalisay ng mangasarág-puti.
Malilimot ako gaya ng dinúlang.
Malilimot ako gaya ng bolivon.
Malilimot ako gaya ng dinuméro.
Sa Orden ng Lehiyón ng Dangal, ang kabalyero
ay nangangarap sumupling na binúlut-kabayo.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic poetry configuration reimagining the richness and culture of Filipinas.

Apéndise A: Paliwanag ni Bayani, ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Apéndise A: Paliwanag ni Bayani

ni Roberto T. Añonuevo

Ang bayaning umalis—o sabihin nang pinalayas—sa kaniyang bayan ay hindi na ang bayaning papaslangin sa tarmak; o kaya’y magbabalik na may pasalubong na dalawampung bihag na magiging matatapat na alipin o bubuo sa kaniyang harem. Hindi siya mag-uuwi ng tropeo na gaya ng pugot na ulo, o baboy-damong pasan-pasan, o kayâ’y tiklis ng mga hablón, ngangà, gamot, isda, o halamang-ugat. Walang sasalubong ni makakikilala sa kaniya, sakali’t dumaong sa pantalan o lumapag sa paliparan, may dala man siyang limang maleta o limang sekreta, bukod sa binagong pasaporte, pangalan, puntó, at postura. Pagkalipas ng mahabang panahon, mapalad na kung siya ay makatapak muli sa tinubuang bayan nang hindi hinihiklat ang peluka at dinuduraan ang mukha, magkunwari man siyang balikbayang kapón o pilantód, pisák ang kaliwang mata, putól ang hinliliit, nawawala ang kapilas ng atay, o lapnos ang balát na dáting alaala ng kadakilaan ng lipóng.

Ngunit mananatili siyang dalumat, hindi man tawaging bayani.

Siya bilang dalumat ay nangarap din noon ng kapayapaan sa kaniyang bayan, sa pagtitindig at pagpapalawig ng salinlahi at mito ng mga bayani. At ang kapayapaan, gaya sa titig ni Narciso, ay matutumbasan ng paulit-ulit na pagsasabi ng kaniyang katotohanan o hinabing kabulaanan: paglipol sa mga bulók, tekas, adik, tulak, sigà, manyak. Para ito sa bayan! Para ito sa bayan, pesteng buwa! Magpipilit siyang maibalik ang pagkabayani nang hindi kusang sinasabi ni John Shovel, bagkus ipinangangalandakan ng pabrika ng mga propagandista’t troll, samantalang nag-iisip ng balón ng yaman—na maaaring pátong sa adwana, pátong sa putahan, pátong sa pasugalan, pátong sa lihim na kalakalan, o pátong sa mga pagawaing-bayan—na magiging ayuda sa grandeng bisyon ng kaniyang mga kakosa. Siya bilang dalumat ay hindi isang aklat, bagkus walong dipang ensiklopedya ng digma at henosidyo.

Ituring siyang organisador ng mga pulis at sangganong nakamotor, at tagalupig ng masasamang loob, at hahangaan ang kaniyang kisig at tindig na may sukbit na rebolber. Ituring siyang promotor ng bagong bayan at papalakpakan ng mga negosyante, heneral, at punongbayan ang listahan ng mga nasawing kalaban. Ituring siyang orador at gagawin siyang modelo ng mga tigulang at kabataang sinusumpa ang langit kung hindi man humahamak sa mga lumpeng intelektuwal at aktibistang hampaslupa. Ituring siyang aktor at malúlumà sa entablado ang mga sikat sa pinilakang tabing sa galíng niya sa pagpapatawa. Siya bilang dalumat ay transpigurasyon ng patáy na bayani; ito ang kaniyang paniniwala. At ang paniniwalang ito ay hindi maglalaon at iimbulog para maging poster at tarpolin na hahatak ng pansin ng madlang kung hindi pinepeysbuk ay tinutubo sa galak.

“Ang bayani noon na naghunos na inimbentong dalumat,” bulong niya sa sarili, “ang mahirap hulihin sa lahat.” Totoo nga, ang dalumat na ito ay naipapamana sa anak, naibabalato sa kaibigang matatapat, at naipamumudmod sa sambayanang nakalimot sa kinagisnang mga ugat. Ang dalumat na ito, na isinakay ng pakpak ng balita, ay magiging alamat pagkaraan ng hokus-pokus at multiplikasyon ng mga deboto—na ginagaya siya mula ulo hanggang paa—pagsapit sa kasaysayang-lokal at kasaysayang internasyonal; nagpapasukdol ng pagsisinungaling, nagpapasukdol ng pagtataksil, nagpapasukdol ng bulag na pagsandig sa pananalig na ang pagsunod doon ay higit sa maibibigay ng salapi, armas, anito, at agimat ng kung sinong awtoridad.

Siya, bilang dalumat, ay magbabalik sa kaniyang napapanaginip na bayan hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Magbabalik siyang abstrakto, bumábahagsúbay, alanganin, lumulutang. Parang multo na nag-uudyok ng welga, rayot, o rido. Parang multo na ibig gumanti ng pagmamahal sa pamamagitan ng dambuhalang aparato ng tokhang. Parang multo na walang pagtitika, walang loob, walang bait ni budhi ng buwaya, walang bakás ng kahit munting pagkatao. Ngunit multo na may kakayahang magkatotoo, at mapatotohanan, kapag naubos at naubos na lahat ang mga bayani sa bayan ko, at ang tanging matira ay AKO. AKO. AKO.
carview.php?tsp=

Alimbúkad: Epic intergenerational poetry configuration in search of humanity.