| CARVIEW |
Patuloy pa rin ang daloy ng buhay habang hinihintay ko ang pagtatagpo ng buwan at ng planetang Mars. Tulad ng nakagawian, namalengke ako ng lulutuin. Pamilyar ang mga mukha sa palengke. Normal na normal ang buhay. Wala na ang nagsasalitang kamatis at wala din nang araw na ‘yun si Mad Scientist.
Matapos mamili ay magaan ang loob kong umuwi. Bumili na rin ako ng ice cream. Dapat ay magsaya ako ngayon pagdating sa bahay dahil walang kakatwang nangyari. Napawi ang aking ngiti nang mapansin ko ang isang matandang babaeng nakatayo sa tabi ng poste ng kuryente. Namamalimos sya. Kaawa-awa ang kasuotan. Napatigil ako sa paglalakad. Bakit ganito? N’ung nakaraang araw lang ay napanuod ko sa TV ang SONA ng pangulo, kay gandang pakinggan, kitang-kita mo ang imahen ng isang matinong ekonomiya. Ngunit bakit windang ang takbo nito dito sa kalsada? Saan kaya ang kulang? Nasa namumuno kaya o sa sistema? Nasa kalipunan ba ng mga kongresista na nagsusulong ng CHA-CHA? O baka naman sa mga botanteng mamamayan na wiling-wili sa mga artista at mga namumudmod ng pera?
At ang matandang babae na ito sa harapan ko ay larawan ng nagdurusang lipunan, ng mamamayang kunwari’y pinagmalasikitan. Sa mga kamay n’ya’y bakas ang dekadang pagsusumikap makaahon na nawalan ng saysay. Sa mga mata n’ya’y nakikita ang paghahanap sa pag-asang tila nagtatago sa mga sulok ng basurahan, paghahanap na nauwi sa isang titig ng pagkamuhi. Nagulat ako nang bigla akong sampalin ng matanda. “Manyakis!” Galit na turan ng matanda. Hindi na ako nakaimik. Marahil ay dala lang ‘yon ng kalabuan ng kanyang mata.
Habang naglalakad akong paalis sa lugar na’yon, napagtanto kong mas masakit pala sa panga ang titigan ang katotohanan sa kalye kesa maghapong magtalumpati ng kasinungalingan. At nadaanan ko ang isang maton na nakatambay sa may tindahan… …iniiwas ko na ang aking mapanuring mata. Ayoko nang tumitig sa katotohanan. Ayoko nang mapanga.
Kabanata 19 ng seryeng Kwentong Dagta
]]>Naguguluhan man ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Nilinis ko ang dampa at nagsibak ng kahoy. At matapos ng maghapong pagpapagal ay naupo ako sa hagdanan, tinatanaw ang paglubog ng araw. Tila nagbabadya ng masalimuot na lakbayin ang paglamon ng karimlam sa liwanag. Ngunit isang bagong pag-asa naman ang tila hatid ng mga talang unti-unting naglilitawan. Ang sabi sa lumang kalendaryo, kapag nagtapo ang buwan at ang planetang Mars, ito na ang hudyat ng paglusong sa daigdig ng tuldok. Sa tant’ya ko ay isang linggo pa ang aking hihintayin.
Naalala ko ang sinabi ni Mad Scientist. Ang mga talang nakikita ko ngayon ay maaring wala na sa kasalukuyan. Dahil sa layo nila, naglalakbay ang kanilang liwanag nang daang-libo hangang milyon-milyong taon. Maaaring ang mga nakikita ko ay liwanag na lamang ng mga patay na bituin. Hindi ko malimi ang napakalaking agwat ng mga mundo. Ganito na ba kalaki ang uniberso? Ano ang saysay ng tao na maliit pa sa tuldok kung ihambing dito?
Naisip ko bigla, ba’t ko nga ba pinahihirapan ang aking sarili? Ano naman ang kinalaman nito sa buhay ko? Kikita ba ako ng pera kapag inisip ko ito? Kung po-problemahin ko ba ang mga bagay na ‘yan ay magkakaroon ako ng lupang sasakahin at magkakaroon ng bigas na isasaing? Isasaing, hmmmn… isasaing… isasaing. Siyeet! Nasusunog na ang sinaing ko!
Humupa na ang aking tensiyon sa nasunog na sinaing. Nakakain na rin ako ng sunog na tutong. Nasa hagdanan na uli ako, nakapangalumbaba at nagpapakalma. At ngayon, nasabi ko na sa sarili ko habang nakatitig sa mga bagay sa kalawakan… … I HATE ASTRONOMI.
Kabanata 18 ng seryeng Kwentong Dagta
]]>Ang mga ito ba ang dahilan ng kanyang pagkakabilanggo sa madilim na piitang ito? Nanatili itong palaisipan sa akin. Napatingin ako kay Katotohanan. At ibinato n’ya ang isang makahulugang ngiti. “Secret!” Tugon n’ya sa tanong ng aking kaisipan. Lalo akong na-stress sa sinabi niya. Kunot ang noo akong napahawak sa mga rehas. Nakatitig sa kawalan. Kunwari may iniisip habang binubulong, “May pasecret-secret pang nalalaman.”
Bigla, tinapik ako ni Katotohanan sa balikat. Iniabot n’ya sa akin ang isang lumang kalendaryo. “Naririto ang dahilan kung bakit ako nakakulong dito. Tatanawin kong utang na loob ang iyong pagmamalasakit.” Kahit alanganin ay tumango akong medyo pilit. Tila mapipilitan akong maglakbay nito sa daigdig ng mga patay. Binasa ko ito. Napakunot ang noo kong napatingin sa kanya, umiiling na nagsabing, “Di ko ma-gets.”
Bago ko lang napansin ang kadahilanan kung bakit di ko ito maunawaan. Patay pala ang ilaw. Hindi ko nga pala mabasa ang mga titik sa kadiliman ng silid. Bakit ngayon ko lang ‘to naisip? Kinapa ko ang switch. Ngunit nagkailaw na’t lahat ay di ko pa rin maintindihan ang nakasulat sa lumang kalendayo.
Naguguluhan, kunot noo at anyong nagmamakaawa na tumingin ako sa kanya. Galit na ang mukha ni Katotohanan at pasigaw na n’yang tinuran, “Hanggang ngayon ba’y di mo pa rin alam na unti-unti nang nauubos ang oras? NAKALIMUTAN MO NA BA ANG KAHALAGAHAN NG PETSA NGAYON!!!? Nag-panic na ako at naghagilap ng maisasagot, “Ha–a–pi… …Anibesari?”
]]>Lumapit ako sa mahiwagang bilanggo. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman habang papalapit. At laking gulat ko nang iangat n’ya ang kanyang mukha. Si Katotohanan pala ang bilanggo. Tinanong ko s’ya kung bakit s’ya naroon. Ngunit laking pagtataka ko kung bakit magulo s’yang kausap ngayon. Di ko mawari kung s’ya ang magulo magsalita o ako ang magulo mag-isip. Bago ko lang na-realize na Bisaya pala s’ya, British accent nga lang.
Pinilit ko s’yang pakinggan at napagtugma-tugma ko ang kanyang ibig sabihin. Si Tuldok pala ang nagpabilanggo sa kanya. Ngunit bakit? Hindi ko na nagawang magtanong uli at baka dumugo na ang ilong ko. Naputol ang aking pagmumuni-muni nang bigla akong makaramdaman ng pagkirot ng dibdib. Nasasaktan ako sa mga tingin ni Katotohanan? Dahil ba sa isa akong sinungaling? Paano na kung um-attend to ng SONA? Baka may mamatay.
Natakot na ako. ayaw ko nang magsinungaling. Baka ikamatay ko pa. Lalo na’t hindi pa ako handa. At nagsimula na akong mag-panic. Aaminin ko na ba kay Katotohanan na crush ko sya? At sa pangalawa niyang titig, nagsimula na akong mag-blush.
Kabanata 17 ng seryeng kwentong dagta
]]>
Hindi ko maalala kung bakit ako napadpad sa kulungang ito. Ang huli kong naaalala ay nakatulog ako habang nagpipinta. Di ko alam kung sino nagdala sa akin dito. Kakatwa ang nangyayari ngunit gising ako. Alam kong gising na gising ako ngayon.
Ipinasya kong bumangon mula sa pagkakahandusay sa malamig na sahig. At ako’y naglakad sa madilim na kulungan, sinusuri ang kapaligiran at inaalam ang mga bagay na naroroon. Malawak pala ang kulungan. Napakaraming rehas. At sa dako pa roo’y may naaninag akong mga bilanggong tila dantaon nang nanatili. Ang isa’y nakahandusay sa sahig, naliligo sa sariling pawis at dugo, umuungol at umuusal ng mga daing na tila bathala lamang ang pwedeng umunawa. Ang isa nama’y tumatawa, tila aliw na aliw sa pagkakagapos sa isang sulok.
Natuon ang aking pansin sa ikatlong bilanggo. Nakaupo s’ya sa tabi ng rehas. Walang emosyon ang kanyang mukhang nakadikit sa rehas ngunit patuloy ang pagpatak ng kanyang luha. Lubos akong nagambala nang tagpong ‘yon. Tila sumisikip ang aking hininga at unti-unting humuhulagpos aking kaluluwa mula aking katawan. Pasikip nang pasikip ang aking hininga nang bigla, nakahagilap ang kamay ko ng inhaler at sininghot. Ayun, nakahinga uli ako.
Habang ninanamnam ang kaginhawaang muling nasumpungan ay napatitig ako sa mga rehas. Wala na doon ang ikatlong bilanggo. Ngunit naiwan ang kanyang mga luha sa rehas na tila may nais ipahiwatig sa akin. Napa-buntong hininga ako’t nagmuni, nag-isip nang malalim. At ngayon ko lang na-realize… …na nandun pala ang ikatlong bilanggo… …sa kabilang sulok at nagmimiryenda.
Kabanata 16 ng seryeng kwentong dagta
]]>
Bente pesos na pose.
Lubos ang aking pagkadismaya sa nangyayari sa lipunan, kaya ipinasya kong pasukin na lamang ang mundo ng pagpipinta. Inihanda ko na ang kanbas, pintura at iba pang kagamitan sa pagpinta. Feeling artist na tuloy ako nito. Nagsimula ako sa pagpinta ngunit tila walang kalatoy-latoy ang nalikha kong larawan. Ngawit na ang modelo at irita na sa pabago-bagong pose na pinagawa sa kanya ngunit walang matinong sketch na nagawa. Tulad ng napagkasuduan, binayaran ko pa rin ng bente pesos ang modelo sa kanyang effort. Bagaman tinanaw n’yang malaking utang na loob ang bente pesos ay humirit ako ng isang huling pose. Pumayag naman si Modelo at nag-overtime nang walang karagdagang bayad.
Todo ang konsentrasyon ko dahil ayaw kong mapahiya sa modelo. Ngunit ayaw gumalaw kamay ko. “Masyado ka namang demanding.” Nanlaki ang aking mga mata nang marinig kong magsalita si Kamay. Aba! May buhay siya. “Masyado ka kaseng nagpapapaniwala sa mga guro ng sining. Ang pagbuo ng konsepto ay hindi sa lebel lamang ng utak. Hayaan mo akong mag-isip para sa ‘yo, bobo.” Na hurt ako d’un. Tinawag niya akong bobo. Gayunpaman, iginawad ko sa kanya ang minimithing independence at hinayaan ko s’yang gumalaw.
Aba! Gumalaw nga mag-isa si Kamay. At madamdamin ang kanyang pagguhit. Doon ko natanto na nasa kutob at hindi sa rason ang ganda ng sining, nasa piglas ng instinct at hindi sa tatag ng kamay. Unti-unti, nabuo ang larawan. Masaya ako sa resulta at pinauwi ko na ang modelo na tuwang-tuwa sa talent fee n’yang bente pesos.
Di ako makapaniwala na nagawa ko ang piyesa. Napatitig ako sa larawan. Maging ako ay di maarok ang ibig sabihin ng kanyang hugis. Sa aking pagtitig ay pumaimbulog ako sa misteryo ng aking pagkatao na nakintal sa kanbas, sa mga damdamin at memorya na hirap apuhapin sa dagat ng mga lumulutang na ideya. Dinig ko bawat pintig, hikbi at panaghoy. Ramdam ko ang init at lamig ng di maipaliwanag na damdamin. At nilamon ako ng nagpupuyos na unos ng galit at pangamba.
Naputol ang aking pagmumuni nang may mapansin akong kakatwa sa larawan; isang misteryong tanging si Kamay lamang ang makapagpapaliwanag. Tinimbang-timbang ko ang mga pangyayari, pinagtagni-tagni ang mga naging proseso. Ngunit nanatiling hiwaga pa rin sa ‘kin… …kung bakit naging KAMUKHA NI DIEGO ANG NASA LARAWAN.
Kabanata 15 ng seryeng kwentong dagta
]]>
Artwork by Kutchai Jovi
Patuloy ang aking pagnguya ng hopya. Parang naiisip ko na wala talagang sense ang awit ni Palaka. Nagpasiya akong titigan ang hopya. Bilog s’ya, bilog na pagkain. Hmmmn. Hopya… …bilog… …pagkain? Pag-inog, pag-ikot ng pagkain sa gubat. Alam ko na! “Food chain” sa gubat ang nais iparating ng awit ni Palaka kung saan bahagi s’ya nito. Ang pagkawala ni Palaka ay pagkasira ng daloy ng inog ng pagkain. Ito’y ang pagkawala ng pagkain ng dating kumakain sa kanya hanggang sa ito rin ay mawala. At ang kumakain sa kumakain kay Palaka ay mawawala rin hanggang maubos ang buhay ilang sa gubat.
Salamat sa hopyang inawit ni Palaka. Ngunit ang hopyang ito’y di mabibili kapag inilako sa mga pulitikong nag-aakalang ang pag-unlad ay ang pagdami ng mga gusali, tulay at kalsada sa kabihasnan. At ang mga pulitikong ito ay nabubuhay din sa isang masamang uri ng food chain. Kinakain ng mga alkalde ang mga kapitan ng barangay habang sila’y kinakain naman ng mga gobernabor. At ang sistema ng pagsila sa mga mahihina ay nagpapatuloy hanggang sa pinakamataas na puwesto. Kawawa ang mga mahihinang mamayan. Sila ang pinaka-biktima ng mga hayok sa kapangyarihan.
Napabuntong hininga na lang ako’t nagtanong. Kelan kaya mababago ang sistema? Kelan magkakaroon ng pag-go-gobyerno mula sa ibaba… …kung saan ang maliliit na mamamayan ang pinakamakapangyarihan? Kelan maiisip ng mga namumuno na sila ay alipin at hindi hari?
Na-i-stress lang ako sa kaiisip sa sitwasyon ng bansa kaya ibinaling ko na lang uli sa pagkain ng hopya ang atensyon. Apektado kaya ng katakawan ko sa hopya ang food chain dito sa Santa Putenciana? “Hindi lang food chain ng Santa Putenciana ang apektado,” wika ni Hugis. Shet! Nandito pala si Hugis! At nababasa pala n’ya ang nasa isip ko. “Sa lakas mong ‘yang kumain…,” dagdag ni Hugis at napatigil ako sa pagnguya ng hopya. “…apektado pati… …ang EKONOMIYA NG BANSA.”
Kabanata 14 ng seryeng kwentong dagta
]]>