Lagi na ay gusto nating maibigay ang pinakamainam o pinakamahusay para sa ating pamilya, lalo na sa pag-aaral ng ating mga anak. Ito ay dahil matibay ang ating paniniwala na ang edukasyon ang pinakamatatag na pundasyon ng pagkatao ng ating mga anak at krusyal ito upang maihanda siya sa pagsuong sa mga hamon ng buhay sa kanyang paglaki. Kaya saan ba mas mapapabuti ang ating mga anak?
Sa pagpili ng paaralan, mahalaga ding isaalang-alang natin ang maraming bagay gaya ng distansya mula sa ating bahay, populasyon o dami ng mag-aaral, reputasyon ng mismong paaralan, mga guro at mag-aaral nito, pribado ba o pampubliko at siyempre, kung gaano karaming panahon ang maaari nating ilaan sa pagsubaybay sa ating mga anak. Aminin na natin, kahit saang paaralan natin ipasok ang ating mga anak ay napakahalaga ng ating suporta at paggabay bilang mga magulang lalo pa at mas maraming oras ang ginugugol ng ating mga anak sa ating piling kaysa sa loob ng paaralan. Ang pagtutok sa pag-aaral ng ating mga anak ay tungkulin at responsibilidad nating mga magulang at hindi lamang trabaho ng kanilang mga guro. Sa tahanan nag-uumpisa ang pagkamulat at pagkatuto ng ating mga anak.
Sa isang online group na kinabibilangan ko, may isang member na nagtanong kung saan mas mainam na pag-aralin ang kanyang anak. Isa siyang OFW at nakatakda na namang mangibang-bayan para magtrabaho kaya ang magulang niya ang maiiwan para mag-alaga sa kanyang anak. Nais niyang patuloy na pag-aralin ang anak sa private school pero tutol ang kanyang ina lalo pa’t aabot din sa 30k ang magagastos sa nasabing private school. Hindi niya alam kung susundin ang kanyang ina o itutuloy na lang ang naunang plano na sa private school pag-aralin ang anak na nasa kindergarten pa lang.
Marami ang nagpayong sundin niya ang plano niya lalo pa’t siya naman ang gagastos at anak naman niya ang involved. Mas matututukan daw sa private school ang kanyang anak kumpara sa public school. Totoo din naman, pero depende pa rin sa kung anong private school mag-aaral ang bata. Me mga private school na kasi ngayon na mahal na ngang maningil pero hindi rin naman mahusay ang sistema ng pagtuturo, ginawa na lang negosyo ang edukasyon at hindi na sa layuning makatulong na paunlarin ang kaalaman at kakayahan ng mga bata.
Sa dami ng estudyante sa public school, mapipilitan ang anak mo na magsumikap para makasabay sa kanyang mga kaklase para hindi siya mapag-iwanan. Sa kabilang banda, pwede namang tamarin na lang siyang mag-aral lalo na kung wala din namang sapat na suporta ang kanyang pamilya sa kanyang pag-aaral. Me mga magulang kasi na nagpapakasapat nang maipasok sa public school ang mga anak, sapat na ang mabigyan sila ng baon sa araw-araw pero hindi naman kinukumusta kung ano na ang inabot ng pag-aaral niya.
May ilang mga bagay na dapat ikunsidera sa pagpili ng pag-aaralan ng ating mga anak:
1. Kilalanin ang ating anak, wala ba siyang ibang kalagayan na kailangan ng natatanging atensyon? Dahil kung meron siyang mga natatanging pangangailangan o kalagayan mas maigi sigurong sa private school siya papasukin dahil mas mapagtutuonan ng pansin ang kanyang mga pangangailangan sa private school dahil pili at mas kakaunti ang mga estudyante.
2. Kung mangungutang rin lang ng pambayad sa tuition, wag nang ipilit na mag private school ang anak. Saka na lang ipasok ang bata sa pangarap niyang private school pag meron nang sapat na badyet. Tandaan, mas malaki ang gagastusin ng anak pag nag-aral na siya sa college.
3. Hindi porke’t me pera ka, private school na agad. Hindi lahat ng private school ay mataas ang kalidad pero kadalasan iyung mga matataas talagang kalidad na private school; mataas din talaga ang halaga ng babayaran. Hindi naman ikamamatay ng bata kung ipapasok mo siya sa public school dahil siguradong mga LET passers ang mga guro dito at dumaan sa masalimuot na training bago maging ganap na guro.
4. Kung ipapasok sa public school ang anak, siguraduhing andun ang suporta para sa kanyang mga aktibidad at iba pang mga pangangailangan. May mga babayaran pa rin at mga paga-ambagan dahil maliit ang nakalaan na budget para sa renovation at pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan. Kung hindi kayang mag-ambag ng pera, mag-ambag ng panahon at lakas-paggawa kapag merong mga brigada eskuwela atbp aktibidad sa eskuwela. Lahat ng ito ay para sa ating mga anak.
5. Kung may gagawing di maganda ang ating mga anak; sa public school man o private school, pumunta po tayo kapag ipinatawag ng guro bilang respeto sa guro at sa kapwa nating magulang. Para na rin maiwasan ang mga hidwaan sa pagitan ng mga magulang at ng mga bata.
Anuman ang piliin nating paaralan, pakatandaan na mas mahaba pa rin ang panahong kapiling natin ang ating mga anak kaysa sa panahong inilalanila sa paaralan. Tungkulin pa rin ng magulang ang paghubog sa anak sa kagandahang-asal upang hindi sila maging problema ng kanilang mga guro at kamag-aral sa paaralan.
