ALL INSIDE NOW, THE RED FLAG IS UP
Kumbaga nga naman sa karera, handa na ang mga mola pati mga hinete. Wala pang masyadong usapan kung sino ang lyamado at sino ang dehado. O kung meron bang babanderang kapos. Hindi pa rin daw pumapasok ang mga taya.
Hinihintay pa kasi ang signal. Kaso mo, magulo ang mga signal na ipinapadala. Baka dapat ang unang tanong, “me karera nga ba?”
Hindi po karera na kabayo ang pinatutungkulan natin kundi itong eleksyon sa 2010. Pasintabi na lang sa mga kabayo kung naihahambing man sila sa pulitiko. Mabalik tayo, hindi nga sigurado kung may eleksyon, giit ng mga alagad ng gunaw.
Kunsabagay. ‘Weno nga naman kung sinabi ni Aling Gloria na tuloy ang eleksyon? Eh di nga ba’t sinabi rin niya noon , sa harap mismo ng puntod ni Rizal, na hindi siya tatakbo sa eleksyon ng 2004? Eh kaso tumakbo rin. Hindi pa nagkasya, tinawagan pa si Garci para tiyakin na lalamang siya ng isang milyong boto para matiyak ang panalo. Tingnan mo nga naman, ano? Hamo ng magpapihit-pihit si Rizal sa libingan niya!
‘Tsaka, hindi rin naman binabanggit kung ano’ng klaseng eleksyon. Kung sabay-sabay tayong makatulog at paggising natin eh napalitan na ang konstitusyon, pwede pa rin namang magka-eleksyon — pang members of the parliament lang nga. O di may eleksyon pa rin. Hindi naman nagsinungaling si Aling Gloria kung sakali, hindi ba?
At ang members of parliament (o anuman ang itawag nila dito) ang siyang maghahalal ng Presidente at Prime Minister. Sa panahon ni Marcos, tinawag ang parlyamento na Batasang Pambansa at ang mga nahalal dito ay Mambabatas. Si Marcos ang nagsilbing Presidente at Prime Minister magkasabay.
Kapag sinabi ni Aling Gloria na hindi niya gagawin ang ganun (ang maging Presidente at Prime Minister ng sabay), may dahilan talaga tayo para matakot. Kasi nga.
Ang makakapigil lang sa eleksyon, kung sakasakali, ay kung magdilang-anghel itong mga intrigero na nagsasabing malamang na magdeklara ng martial law itong ale sa Malakanyang. Nakupo! Yun ang nakakatense. Ng bongga! Martial law na naman? Paano na lang ang demokrasya na nabawi sa EDSA etsetera etsetera?
Ako, ayokong maniwala na mangyayari yun. Hindi na uso ang martial law pwera na lang sa Burma. Saka ayaw din ni Uncle Barak ng ganun. Eh, Democratic nga siya di ba? Bagong pag-asa ng bagong henerasyon. Paano niya susuportahan ang martial law, kahit gayahin pa uli ni Aling Gloria si Marcos sa smiling martial law nito? Makakasama yun sa image ng Amerika, at Amerika pa rin ang pangunahing takbuhan ng ‘Pinas (at siguro ng buong daigdig, pwera China at Cuba). ‘Tsaka ang liit na ng mundo dahil sa internet, madali ng mabuking ng donor countries kung lantaran, tahasan, diretsahan na ang pambabastos sa demokrasya.
Isa pa, may isang ganansya tayo sa EDSA na hindi na mababawi. Gising na ang taumbayan. Nakaranas na tayong lumaban at manalo. Kesehodang sabihin ng iba na pagod na ang masa sa pulitika at ayaw ng magrali at ayaw ng mag-EDSA, tiyak na magsasama-sama tayo uli kung mararamdaman natin na tama na, sobra na, palitan na.
Pansamantala, habang nagbabantay at naghahanda sa posibleng mangyayari, tagay na muna. At abangan ang karera.
-30-

